Hindi pa kumbinsido si Joshua “Ch4knu” Mangilog na siya ang pinakamagaling na tank player sa buong Southeast Asia kahit pa umabot na sila sa lower bracket finals ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2021.

Sa biglaang interview matapos walisin ang RSG MY, nahihiyang sinagot ng batikang Execration player ang tanong ng host na si Mara Aquino kung siya ba ay naniniwala na siya ang ‘best tank ng Southeast Asia.’

“Hindi, hindi pa kami champion eh,” matawa-tawang sagot ni Ch4knu.

Bagamat hindi inako ang titulo, idiniin naman ni Aquino na hindi tuluyang tinatanggihan ni Ch4knu ang prestihiyosong pagkilala.

Ang kamandag ni Ch4knu

Tahimik at kalimita’y mahiyain man sa mga interview, iba naman ang kamandag ng tinaguriang ‘Ch4k Mamba’ tuwing tatapak sa Land of Dawn.

Malaki ang naging parte ng 19-taong-gulang na manlalaro sa tinatamasang tagumpay ng kanyang koponan. Mula sa paglaglag sa noo’y Mobile Legends: Bang Bang Professional League-Philippines defending champions na Bren Esports, hanggang sa pagselyo ng pagkakataong makalaro sa MSC 2021 bilang delegado ng Pilipinas, hindi nagbago ang kalidad ng laro ni Ch4knu.

[MPL-PH S7 Day 4] EXE vs BREN Game 3

Ch4k-Mamba says wala munang uuwi as EXE takes Game 3! Ito na ang LONGEST game ngayong S7Video from MPL Philippines

Posted by ONE Esports Philippines on Saturday, May 29, 2021

Ang kakayahan niyang mag-set sa mga heroes kagaya ng Khufra, Jawhead, Grock, at kahit pa Rafaela, ang naging matibay na dahilan kung bakit siya kinikilala bilang pinakamagaling na tank player.

Nabigo man sa kamay ng Blacklist International noong kakatapos lang na MPL-PH Season 7, susubukan ng Execration na ituloy ang napurnadang kampeonato, at ang tuluyang paghirang kay Ch4knu bilang ‘best tank’ ng rehiyon, sa nangyayaring mas malaking turneyo.

Execration babanse kontra EVOS Legends

EVOS ID Rexxy head-to-head Execration Ch4knu MSC 2021 Playoffs Day 3 Schedule
Credit: Moonton

Bago tuluyang harapin ang kapwa nila pambato ng Pilipinas na Blacklist International sa best-of-seven grand finals ng MSC 2021, kailangan muna malampasan ng Execration ang koponan na siyang dahilan kung bakit sila nasa lower bracket—ang EVOS Legends.

Reverse sweep ang inabot ng MPL-PH first-runner up sa kamay ng kampeon ng MPL-Indonesia nang sila ay magharap sa unang upper bracket round ng playoffs noong Biyernes.

Nakaligtas man sa dalawang-sunod na elimination matches kontra kinatawan ng Cambodia na Impunity KH at nasabing kampeon ng MPL-Malaysia kahapon, isa pang elimination match ang kailangang bunuin ng koponan ni Ch4knu sa pagpapatuloy ng playoffs ngayong Linggo.

Muling maghaharap ang EVOS Legends, na bumaba sa lower bracket matapos bugbugin ng reigning MPL-PH champions, at Execration mamayang ala-una ng hapon.


Mapapanood ang official Filipino broadcast ng MSC 2021 sa Facebook at YouTube pages ng Mobile Legends: Bang Bang ang bakbakan.