Bigo ang Execration na iselyo ang all-Filipino matchup sa upper bracket finals matapos silang i-reverse sweep ng EVOS Legends, 2-1, sa first upper bracket round ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2021 playoffs.

Nakuha man ng pambato ng Pilipinas ang unang laro ng serye, hindi ito naging sapat upang mailaglag nila ang kampeon ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Indonesia sa lower bracket ng playoffs.

Double K Connection ng Execration, nagpasikat

Humiram ng linya mula sa code ng Blacklist International ang koponan ng Indonesia upang buksan ang best-of-three serye. Kahit pa sanay na kontra ‘UBE (Ultimate Bonding Experience)’ strategy, nahirapan pa rin ang Execration sa early game dahil sa rotations ng Paquito ni Joshua “L J” Darmansyah.

Napalayo man ng EVOS Legends ang kanilang lamang sa kills, 2-8, nagawa naman ng Execration na baliktarin ito sa loob ng dalawang minuto, 11-10, sa tulong ng Double K connection, Kiel “Keilvj ” Hernandez na gumagamit ng Claude at Duane “Kelra” Pillas na nag-Lunox.

Nagsanib-puwersa ang parehong manlalaro upang magtala ng 13 kills sa 16 kabuuang bilang ng kills ng kanilang koponan. Kahit pa natambakan noong unang walong minuto ng laro, nagawa namang ipanalo ng Execration ang laro matapos ang apat na minuto.

Execration Kelra Lunox MVP MSC 2021
Credit: Moonton

Kinilalang MVP ng laro si Kelra dahil sa momentum-shifting Double Kill niya laban sa Brody ni Perdyansyah “Ferxiic” Kamaruddin at Paquito ni LJ. Tinuldukan niya ang malupit na sidelane performance nang may siyam na kills, limang assists, at walang death.

Anti-Mage, Clover binuhat ang EVOS Legends

Mas pulidong laro ang ipinakita ng EVOS Legends upang itulak ang serye sa ikatlong mapa. Bigo ang Execration na mapagana ang Blacklist International strategy matapos nilang palaruin si KielVJ ng Aldous at si James “E2MAX” Caidic ng Estes.

Nagkaroon man ng pag-asang maka-angat ang pambato ng Pilipinas bandang 12-minuto nang mapatay ang apat na kalaban at makuha ang Lord, bigo naman sila na pigilan ang Alice ni Maxhill “Antimage” Leonardo.

Pinalagan ng beteranong manlalaro ang buong limang miyembro ng kalaban, pati ang Lord na tumutulak sa babang lane. Halos isang minuto sinubukan ng Execration na patumbahin si Antimage ngunit sila pa ang napitas nito nang mabuhay na muli ang kanyang mga kampi.

EVOS Legends Antimage Alice MVP MSC 2021
Credit: Moonton

A la Kelra noong game one ang naging kill-death-assist scoreline ni Antimage, na kinilalang MVP, matapos ipanalo ng EVOS Legends ang laro sa loob ng 14 minuto.

Nagtuloy-tuloy ang ‘Antimage Show’ hanggang sa huling laro ng serye. Kahit pa nilabas na ng Execration ang kanilang mga comfort picks, mula sa Ling ni KielVJ hanggang sa Paquito ni Renz “Renzio” Cadua, hindi nito naging sapat upang makontrol ang tsempo ng laro.

Nagawa naman ng mga Pinoy na paabutin ang laban hanggang sa late game, kung saan kinakatakutan sila. Ngunit nang maselyo ng EVOS Legends and Luminous Lord bandang 20-minuto ng laban, hindi na kinaya pa ng Execration na depensehan ang kanilang base.

EVOS Legends Clover Harith MVP MSC 2021
Credit: Moonton

Natapos ang mainit na laban sa loob ng 21-minuto. Hinirang naman na MVP ng laro ang Harith ni Hafizhan “Clover” Hidayatullah Mirzaputra matapos magtala ng 10 kills, at limang assists, kontra dalawang deaths.


Natalo man sa kampeon ng Indonesia, hindi dito nagtatapos ang kampanya ng Execration.

Haharapin naman delegado ng Pilipinas ang Impunity KH, na lumaglag sa EVOS SG na kampeon ng MPL Singapore, sa second lower bracket round ng MSC 2021 playoffs.

Gaganapin ang laglagan bukas, Hunyo 12, at ito ay mapapanood sa official Filipino broadcast ng MSC 2021 sa Facebook at YouTube pages ng Mobile Legends: Bang Bang.