Nagpakitang-gilas si Joshua “Ch4knu” Mangilog sa “Battle of the Besties” sa pagitan ng Execration at Bren Esports sa semifinals ng lower bracket sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 7 Playoffs.

Bagamat naunang maka-match point ang defending champions sa best-of-five series, sinigurado ng Execration na kumpletuhin ang reverse sweep, 3-2, para mapanatiling buhay ang kanilang kampanyang #GiveBillyATrophy at pigilan ang Bren Esports na sumungkit ng back-to-back championship. 

Ch4k-Mamba Mentality

Buong serye, walang ginawa si Ch4knu kung hindi patunayan sa lahat kung bakit malimit banggitin ang kanyang pangalan tuwing pinaguusapan ang bagong SIBOL MLBB roster sa paparating na Southeast Asian Games 2021.

Pero pagkatapos ng ikatlong laro ng serye, tila wala na siyang dapat pang patunayan.

Umabot ng 50 minuto ang naturang bakbakan upang maiwasan ng Execration ang nagbabadyang pagwalis ng Bren Esports. Nagsalitan sa pagkuha ng Lord ang dalawang koponan ngunit wala sa kanila ang nagpakita ng bakas ng pagsuko.

Matapos makuha ni James “E2MAX” Caidic ang kalauna’y huling Lord bandang 48-minuto ng laro, nakuha pa ng Bren Esports na pigilan ang pag-abante nito. Sa puntong ito, marahil inakala nilang tapos na ang pag-atake ng Execration, pero lingid sa kanilang kaalaman, doon nila matitikman ang kamandag ni Ch4k-Mamba.

[MPL-PH S7 Day 4] EXE vs BREN Game 3

Ch4k-Mamba says wala munang uuwi as EXE takes Game 3! Ito na ang LONGEST game ngayong S7Video from MPL Philippines

Posted by ONE Esports Philippines on Saturday, May 29, 2021

Tatlong kalaban ang pinalipad ni Ch4knu sa kanyang Tyrant’s Revenge at Flicker combo na kaagad sinundan ng Feathered Airstrike ni E2MAX. Mabilis na nalusaw ang mga buhay ng Kadita ni Angelo “Pheww” Arcangel, Granger ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno, at Rafaela ni Allan “Lusty” Castromayor, pati na rin ang tsansa ng Bren Esports manalo sa ikatlong mapa ng serye.

Naging tulay ang clutch set ni Ch4knu para matulak ng Execration ang serye sa buong limang laro. Sa Game 4, Harith naman ni Duane “Kelra” Pillas ang bumida matapos magtala ng 7 kills at 7 assists nang hindi namamatay kahit isang beses.

Sa huling laro ng serye, kahit ang world-renowned Lancelot ni KarlTzy ay hindi naging sapat upang maisalba ang Bren Esports sa tira ng Execration. Muling nagpakitang-gilas si Ch4knu, ngayon naman gamit ang Rafaela, nang mahuli niya ang reigning MVP gamit ang Holy Baptism bandang 11-minuto.

Hindi na naka-ahon sa pagkakasadlak ang Bren Esports matapos makuha ng kalaban ang Luminous Lord. Sa huli, naging responsable ang Execration sa pagkakalaglag sa playoffs ngayong season ng parehong delegado ng Pilipinas noong M2 World Championship. 

Samantala, iginiit ni E2MAX sa post-game interview na ang kanilang pagkakapanalo ay naging posible dahil sa kanilang mahusay na Tank player.

“Hindi talaga kami sumusuko hanggang dulo. Talagang naniniwala pa rin kami na kayang-kaya namin na bumalik. Shoutout kay Ch4knu ‘yon, siya nagpabaliktad no’n. Puso lang pinairal namin eh,” ika niya.

KielVJ, Renzio vs Aura PH kasado na

Ngayong nakagawa na ng kasaysayan ang Execration sa proma ng paglaglag mula sa playoffs ng MPL-PH at M2 World Championship title-holders haharapin naman nina Kiel VJ “KielVJ” Hernandez at Renz “Renzio” Cadua ang dati nilang koponan na Aura PH matapos itong ilaglag ng Blacklist International sa lower bracket.

Matatandaang tinrade ang dalawang manlalaro sa Execration bago magsimula ang MPL-PH Season 7 matapos ang nakadidismayang resulta ng Aura PH sa playoffs noong nakaraang season.

Paglalabanan ng dalawang koponan sa lower bracket finals ang huling slot hindi lamang sa grand finals ng MPL-PH Season 7 kung hindi pati na rin ang oportunidad na katawanin ang bansa sa nagbabalik na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2021.

Ang mainit na best-of-five series na ito ay gaganapin bukas, May 30, 2021, 2:00 p.m. Ang live Filipino broadcast ay ipapalabas sa official MPL-PH Facebook page.