Sa banggaan ng dalawang higanteng pangalan sa rehiyon, hindi binigo ng Blacklist International ang suporta ng miron.

Sistematikong pagwasak ang ginawa ng mga Pinoy sa kanilang bigating katunggali sa seryeng umabot lamang ng tatlong laro para iselyo ang top 2 finish sa MSC 2021.

Master class ang inihain ni Keil “Oheb” Soriano sa kabuuan ng upper bracket salpukan. Sa game 1, susi ang kanyang Alice sa team fights kung saan krusyal ang kaniyang sustain at kontrol kontra sa vision strategy ng kalaban. Nagtala ang superstar gold laner ng 7/3/5 KDA para sa MVP gantimpala.

Sa game 2 naman, dominanteng Harith ang isinalang para sa kanya ni Coach Bon Chan na pighati ang dinala sa mga miyembro ng MPL-ID Season 7 champions.

Limang minuto palang sa laro, buo na ang calamity reaper at holy crystal ng kanyang signature hero na matinding pinsala ang binigay sa katunggali. Inilista ni Oheb ang 10/1/5 KDA para muling iselyo ang MVP award.

Sa match point naman, malaking pagkakamali ng M1 World Champions na pakawalan ang pamosong Estes ni Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna na susi sa mabilis na 12-minutong pagbalagbag ng Blacklist.

Ibang klase ang Estes ni V33nus na hindi lang healing ang dala para sa kanyang kupunan. Tampok din sa game 3 ang Double Kill na inilista ng tubong-Antipolo kung saan pinitas niya ang Ling at Mathilda ng EVOS 5 minuto sa laro.

Di kataka-takang si OhMyV33nus ang nag-uwi ng MVP awards sa kanyang malaking impact sa mga team fights. Inilista niya ang maamo ngunit malinis na 2/1/5 KDA.

Sa malinis na sweep na ito, aarangkada ang Blacklist papunta sa Finals ng MSC 2021 at makakaharap ang mananalo sa lower bracket final.