Naisakatuparan ng Execration ang minimithing all-Filipino grand finals sa Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2021 matapos makabanse kontra EVOS Legends, 3-1, sa lower bracket finals ng playoffs.
Pinangatawanan na ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines first-runner up ang bansag sa kanilang ‘Lower Bracket Kings’ nang gawin nilang hakbangan ang mga kinatawan ng Cambodia, Malaysia, at Indonesia upang makarating sa grand finals.
Ibang-iba ang Execration na nagpauwi sa kampeon ng MPL – Indonesia sa koponang nalaglag sa lower bracket noong Biyernes, salamat sa performance ni Duane “Kelra” Pillas.
Kelra, Ang Pinakamalakas Mag-Gold Lane Sa Lahat
Sa isang tutorial video ni Kelra kasama si analyst Caisam “Wolf” Nopueto kung paano gawin ang “Ruby DD Lunox”, nabanggit ng 16-taong-gulang na manlalaro na papatunyan niyang siya ang ‘pinakamalakas mag-gold lane sa lahat‘.
Bagamat kailangan pa nilang harapin ang Blacklist International upang mapangaralan bilang MSC 2021 champions, malaking hakbang ang best-of-five series kontra EVOS Legends sa nais niyang patunayan.
Kinilalang MVP si Kelra sa dalawang unang panalo ng Execration. Sa unang mapa ng serye, umabot sa 32 ang kabuuang bilang ng kills ng mga Pinoy, kung saan 15 ay nanggaling mula sa Lunox ni Kelra, na sinamahan pa ng walong assists.
Halos ganun din ang pinakitang laro ng kanyang Alice sa ikalawang laro upang agad na maitulak ang serye sa match point. Nagtala si Kelra ng limang kills at 11 assists nang hindi namamatay.
Kahit pa ang Grock ni Joshua “Ch4knu” Mangilog ang kinilalang MVP noong huling laro ng serye, hindi pa rin napigilan ang Harith ng MPL-PH rookie na magtala ng game-high 727 gold per minute, bukod pa sa pitong kills, tatlong assists, kontra isang death.
Dahil sa panalo ng Execration, mapipilitan ang kinatawan ng Indonesia, ang bansa kung saan nanggaling ang huling kampeon ng MSC na pinangaralan noong 2019, na mag-settle sa ikatlong puwesto.
MPL-PH Season 7 Grand Finals Rematch sa MSC 2021 Grand Finals
Dalawang linggo pa lang ang nakalilipas noong huling magharap ang Blacklist International at Execration sa grand finals ng MPL-PH Season 7, at maging delegado ng Pilipinas sa MSC 2021.
Gayunpaman, muling maghaharap sa best-of-seven grand finals ang dalawa sa pinakamalakas na koponan ng bansa, ngayon naman, sa nagbabalik na regional MLBB tournament.
Iba lang ang naging balakid para sa mga Pinoy teams ngunit halos pareho ang kanilang pinagdaanan.
Itinuturing pa rin bilang team to beat ang Blacklist International na nakarating sa grand finals nang hindi natatalo kahit isang beses.
Samantala, nagsimula man sa upper bracket, nagawa pa rin ulitin ng Execration ang kanilang lower bracket run upang maselyo ang rematch laban sa reigning MPL-PH champions.
Hindi ito ang unang beses na magkakaroon ng all-Filipino grand finals sa MSC dahil nagtapat rin ang Aether Main at Digital Devils Pro Gaming, ang grand finalists ng unang season ng MPL-PH, noong 2018.
Mapapanood ang official Filipino broadcast ng MSC 2021 grand finals sa Facebook at YouTube pages ng Mobile Legends: Bang Bang.