Tinuldukan ng Execration ang kampanya ng Impunity KH sa Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2021 matapos ang 2-1 reverse sweep sa ikalawang round ng lower bracket sa playoffs.

Bumawi ang delegado ng Pilipinas mula sa kanilang pagkakatalo kagabi kontra EVOS Legends para ikasa ang isa pang best-of-three laglagan laban sa kampeon ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Malaysia, RSG MY.

Impunity KH vs Double K Connection ng Execration

Benedetta ni Oppi, masyadong OP para sa Execration

Nagkamali ang Execration na ibigay ang Benedetta ni Oppi sa unang mapa ng serye. Mula group stage ng palaro, malaki ang naging ambag ng flexi-role player sa mga tagumpay na tinamo ng Impunity KH.

Naging responsable ang kanyang Benedetta sa siyam ng 19 kabuuang bilang ng kills upang magtala ang kanyang koponan ng 7.8k kalamangan sa gold sa unang siyam na minuto ng laro.

Sinubukan ng mga Pinoy na baligtarin ang nagbabadyang pagkatalo sa tulong ng Double K connection ni Duane “Kelra” Pillas at Kiel VJ “KielVJ” Hernandez.

Nagawa pa nga nilang makahabol sa pera, ngunit ang pagsalisi ni Oppi sa mid habang gumegera ang kanyang mga kakampi, bandang 22-minuto ng laro, ang tuluyang nagpaputok sa base ng Execration.

Credit: Moonton

Tulad ng inaasahan, ginantimpalaan ng MVP award ang naturang player matapos magtala ng 10 kills at limang assists, kontra apat na deaths, bukod pa sa kanyang huling play na nagtulak sa mga Pinoy sa bingit ng pagkakalaglag.

Impunity KH lumuhod sa ‘Double K Connection’

Matapos nakapanlulumong pagkatalo, nag desisyon na ang Execration na hindi na nila paabutin sa late game ang ikalawang mapa ng serye. 10-0 kalamangan sa kills at kulang-kulang limang libo sa pera ang ipinangbati ng delegado ng Pilipinas sa unang anim na minuto ng laban.

Maagang nagpakitang-gilas ang Lancelot ni KielVJ, taliwas sa galaw niya bilang Hayabusa noong nakaraang laro. Wala kina WIGHTNITE, Oppi, o Senpai, na karaniwang nagbubuhat para sa Cambodian team, ang nakaporma upang mabawi ang kalamangang itinambak ng Execration sa kanila.

Matapos ang 12 minuto, napwersa ng Execration ang do-or-die game sa tulong ng Legendary performance ni The King. Nagtala ang kaniyang Lancelot ng 11 kills at limang assists nang hindi namamatay kahit isang beses.

Credit: Moonton

Parehong tikas sa early game ang muling pinalamas ng koponang kumakatawan sa Pilipinas sa huling mapa ng serye. Muling nagsanib-puwersa ang Harith ni Kelra at Roger ni KielVJ upang makapagtala ang kanilang koponan ng maagang kalamangan.

Katulad ng nauna nilang panalo, 12 minuto lang ulit ang itinagal ng Impunity KH bago sila tuluyang ilaglag ng Execration para mag-settle sa top 7th-8th place finish.

Credit: Moonton

Nag tag-isa ang Double K connection sa MVP award sa dalawang panalo ng Execration. Tinapos ng MPL-Philippines rookie ang ikatlong laro nang may walong kills, apat na assists, kontra isang death. Siya rin ang nagtala ng game-high 53,335 damage dealt.


Dahil sa panalo kontra Impunity KH, aabante ang Execration sa lower bracket semifinals kontra RSG MY. Mapapanood sa official Filipino broadcast ng MSC 2021 sa Facebook at YouTube pages ng Mobile Legends: Bang Bang ang bakbakan.