Isa sa pinakamalaking pagbabago sa franchise model ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 8 ang pagkakatanggal ng open qualifiers, ang tournament phase kung saan maaaring sumabak ang mga aspiring players para sa pagkakataong makapasok sa liga.

Isa sa mga naging tanong sa naganap na press conference para ianunsyo ang MPL-PH Season 8 ay kung makaapekto ba ang franchise model sa tsansa ng mga bagong player na makapasok sa professional scene.

Bagamat tila ito raw ang kahihinatnan, kabaligtaran naman ang mangyayari dahil sa hinahanda ni Moonton na Mobile Legends Development League o MDL, panibagong liga na magiging bukas para sa mga aspiring pros.

“We expect to host over 20 teams in both MPL and MDL. In return, more aspiring players might be promoted and accommodated,” paliwanag ni Matt Jaron, Director ng Business Development ng MPL-PH.

Hindi na MPL-PH ang tanging daan para maging pro

MPL-PH Season 8 Franchise League
Credit: Moonton

Hakbang ng Moonton ang MDL upang maisakatuparan ang kanilang layunin na gawing lehitimong career ang pagiging pro player.

“… We hope that being a pro player shall be perceived as a viable career path. Pro esports player is a legitimate profession which means a solid job, an avenue to be known by the public, an opportunity to uplift one’s social status, etc.,” ika ni Jaron.

Dagdag niya na mas mapapatibay ang pagkakataon ng mga aspiring pros na mangibabaw sa mas malalaking stage kung mapapanatili ang pag lago ng MPL-PH at maseselyo ang career path ng bawat manlalaro.

Bukod dito, balak din dagdagan ang bilang ng franchise teams sa mga susunod na season ng MPL-PH. Manggagaling daw ang magiging desisyon ukol dito mula sa mga franchise teams at ang mismong liga. 

Kailangan lang para sa mga interesadong investors na mayroong established organisasyon o korporasyon pati na rin ang matatag na management at operation. 


Samantala, nakatakda naman magsimula ang MPL-PH Season 8 sa ika-13 ng Agosto.

Walong koponan ang magbabakbakan kabilang na ang defending championship na Blacklist International, Bren Esports, ECHO, Nexplay EVOS, ONIC PH, RSG PH, Smart Omega, at TNC Pro Team.