Sasabak bilang TNC Pro Team ang Work Auster Force sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 8.

Ilang oras matapos ianunsyo ang pagpasok ng tanyag na esports organization sa larangan ng MLBB, ipinakilala rin ng koponan, Martes ng gabi, ang mga manlalarong bubuo sa kanilang roster para sa paparating na season ng nasabing mobile esports league.

TNC Pro Team MPL-PH Season 8 roster

TNC Pro Team MPL-PH Season 8 roster
Credit: TNC Pro Team
  • Frediemar “3MarTzy” Serafico
  • Shemaiah Daniel “Chuuu” Chu
  • Douglas Joseph “ImbaDeejay” Astibe II
  • Clarense Jay “Kousei” Camilo
  • Dylan “Light” Katipon
  • Patrick “P-God” Grecia
  • Adrian “Toshi” Bacallo
  • Ben “Benthings” Maglaque (bagong player)
  • Lander “Der” San Gabriel (bagong player)
  • John Laurence “Lift” Ruiz (coach)

Bukod sa original Work Auster Force roster noong nakaraang season, pasok din sa team ang mga batikang manlalaro katulad nina Toshi mula Omega Esports at ImbaDeejay mula Cignal Ultra. Nadagdagan din ang kanilang team ng dalawang rookies, na sina Der at Benthings.

Ayon sa post ng organisasyon, isa pang manlalaro mula Singapore ang kukumpleto sa 11-man nilang roster.

Kilala bilang ‘super rookies‘, ang Work Auster Force ang lumaglag sa fan-favorites na Nexplay Esports noong playoffs ng ikapitong season. Natuldukan nga lang sa 5th-6th place finish ang kanilang kampanya sa lower bracket matapos silang mabigo kontra noo’y defending champions na Bren Esports.

MLBB Work Auster Force
Credit: Work Auster Force

Samantala, tanyag na organisasyon naman ang TNC sa larangan ng Dota 2. Samu’t saring parangal na ang naiuwi na ng kanilang koponan para sa bansa kabilang na ang kampeonato sa MDL Chengdu Major, ESL One Hamburg 2019, at World Electronic Sports Games.

Nagkaroon na rin ng mga professional team ang TNC sa ibang esports titles kagaya ng Hearthstone, Counter-Strike: Global Offensive, at League of Legends, bago sumabak sa MLBB.

Inaasahan na ganapin ang MPL-PH Season 8 sa mga susunod na buwan.