Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang M2 World Champions Bren Esports na ilabas ang kanilang opisyal na lineup para sa paparating na Mobile Legends: Bang Bang Philippines Season 8.

Inilabas ito ng organisasyon sa isang Facebook post kung saan pinangalanan din nila ang mga players na bubuo sa kanilang 10-man roster.


Bago at kilalang mukha sa BREN Esports roster

Sasabak pa rin para sa Bren ang tinaguriang “Tzy Brothers” na kinabibilangan nina Karl “KarlTzy” Nepomuceno at David “FlapTzy” Canon.

Sasamahan sila ng dekoradong mga beterano na sina Carlito “Ribo” Ribo Jr., Angelo “Pheww” Arcangel, Allan “Lusty” Castromayor Jr. at Efphraim “Ejhay” Sambrano.

Bukod sa main lineup, ipinakilala rin ng organisasyon ang mga pro players na makikibalagbag sa MPL PH Season 6 champions sa kanilang kampanya sa paparating na MPL season.

Tampok sa parehong reveal ang mga bantog na pro player at streamers na sina Ralph “Coco” Sampang, Raven “L3bron” Alonzo at dalawa pang rookies na sina Malik at Rimuru. Tatakbo pa rin ang Bren Esports roster na ito sa ilalim ng mapagmasid na mga mata ni Coach Francis “Duckey” Glindro.


Ang pagbabalik ni Coco at L3bron

Ang paglabas ng final Bren Esports roster na ito ay nagmarka din ng pagbabalik ng dalawang personalidad sa propesyonal na eksena.

Matapos magpahinga ng dalawang season, nagbabalik si Coco sa pro play bagamat sikat na sikat na ang kaniyang streams at komentaryo sa lahat ng MLBB communities.

Credit: L3bron Facebook page

Kasabay nito, nagbabalik din si L3bron sa pro scene na huling naglaro sa ilalim ni Setsuna “Ako si Dogie” Ignacio sa bandera ng Aether Atlas.