Imbitado ang koponan ni Carlo “Kuku” Palad na T1 sa ESL One Summer 2021, isang non-Dota Pro Circuit tournament na may $400,000 prize pool.

Makikipagbakbakan ang kinatawan ng Southeast Asia sa mga batikang koponan mula Europe katulad ng Team Secret, Team Nigma, Team Liquid, Alliance, AS Monaco Gambit, OG, Virtus.pro, Tundra Esports, Vikin.gg, at Team Unique. Kasama rin sa palaro ang Quincy Crew mula North America.

T1 ibabandera ang Southeast Asia sa ESL One Summer 2021
Credit: ESL Dota2

T1 vs Quincy Crew Part Two?

Magsisimula ang paligsahan sa double-elimination playoff bracket. Batay sa panuntunan palaro, naka-seed ang mga kalahok base sa kanilang DPC points at rankings sa closed qualifier na ginanap para sa mga European teams.

Dahil isa ang koponan ni Kuku sa 12 teams na directly qualified sa The International 10, magsisimula ang kanilang kampanya sa ikalawang round ng upper bracket, kung saan haharapin nila ang Vikin.gg na winalis ang Team Nigma kagabi.

Sakaling magwagi sina Kuku, nagbabadya rin na magka-part two ang bakbakan nila kontra Quincy Crew.

Matatandaang mainit ang naging tagpo sa pagitan ng dalawang koponan noong WePlay AniMajor. Ang T1 kasi ang naging dahilan kung bakit nalaglag sa lower bracket ang pambato ng North America salamat sa pagpapakitang-gilas nina Karl Matthew “Karl” Baldovino at Nuengnara “23savage” Teeramahanon.

Dahil sa 2-1 panalong iyon, naselyo ng T1 ang bronze finish, ang puwesto kung saan natapos ang kanilang kampanya matapos matalo sa mga grand finalist na PSG.LGD at Evil Geniuses.


Gaganapin ang best-of-three serye sa pagitan ng T1 at Vikin.gg mamayang alas-otso ng gabi. Mapapanood ang official broadcast live sa Twitch channel ng ESL One Summer 2021.