PSG.LGD ang hinirang na kampeon ng WePlay AniMajor matapos walisin ang Evil Geniuses, 3-0, sa best-of-five grand finals, Lunes ng umaga.

PSG.LGD WePlay AniMajor champion
Credit: WePlay AniMajor

Sinelyo nina Wang “Ame” Chunyu, Cheng “NothingToSay” Jin Xiang, Zhang “Faith_bian” Ruida, Zhao “XinQ” Zixing, Zhang “y`” Yiping, at coach Zhang “xiao8” Ning ang ikalawang Major championship title ng Chinese region ngayong 2021 Dota Pro Circuit.

Samantala, bigo pa rin ang koponan mula North America na makamtan ang una nilang panalo sa isang Major tournament matapos matuldukan ang kanilang kampanya sa ikalawang puwesto sa pangalawang-sunod na pagkakataon.

Ang pagbabalik ng Wings Gaming sa porma ng PSG.LGD

Noong 2016, ginulat ng limang halos hindi kilalang Chinese players ang buong community nang hirangin silang kampeon ng The International gamit ang kanilang kakaibang paraan ng paglalaro ng Dota 2.

Dalawa sa mga naturang manlalarong ‘yon — ang drafter nilang si y` at ang offlaner na si Faith_bian — ay parte na ngayon ng PSG.LGD.

y` at Faith_bian: mula sa Wings Gaming hanggang sa PSG.LGD
Credit: Valve

Nangibabaw ang pambato ng China sa dalawang tournament phases na kanilang pinagdaanan. Tinapos nila ang single round-robin group stage nang may 11-3 win-loss record at tinuldukan ang kanilang kampanya sa ikalawang Major tournament nang hindi nalalaglag mula sa upper bracket.

Katulad ng pinakatanyag na katangian ng Wings Gaming, malawak na hero pool din ang ipinamalas ng players ng PSG.LGD. Sa 25 kabuuang bilang ng mapang nilaro nila sa Kyiv, 48 unique heroes ang inilabas ng koponan.

Kaakibat ng versatility na ito ang husay nila sa mga hero. Tinapos ni y` ang palaro nang may 100% win rate bilang Phoenix, Clockwerk, at Winter Wyvern. Hindi rin natalo ang Templar Assassin, Death Prophet, Lina, Puck, at Razor ni NothingToSay.

Wala ring nakapigil sa carry Axe ni Ame matapos ang tatlong game. Gayun din sa Hoodwink ni XinQ na nagtala ng 15.62 average KDA sa loob ng dalawang laro. 14 iba’t-ibang heroes naman ang nilaro ni Faith_bian buong turneyo at hindi siya natalo sa 10 ng mga ito.

Dahil sa mga numerong ito at taglay nilang kalakasan, marami ang nakapansin sa pagkakapareho ng dalawang bantog na koponan mula China.

Ang pagbangon ng Southeast Asia

Sa kabila ng pag angkin ng PSG.LGD sa buong WePlay AniMajor, kapansin-pansin din ang pagpapakitang-gilas ng mga koponan at manlalaro mula sa Southeast Asia.

Bukod kasi kay NothingToSay, na tubong Malaysia, at kay Abed, na kinikilala bilang isa sa pinakamahusay na midlaner mula sa Pilipinas, mula sa naturang rehiyon din ang isa pang koponan na naglaro noong huling araw ng tournament.

Nagtapos sa ikatlong puwesto ang pambato ng Southeast Asia na T1. Sinimulan nila ang kanilang kampanya sa playoffs at naging sanhi sa pagkakabagsak ng Team Aster at Quincy Crew mula sa upper bracket.

Nakaharap din nila ang parehong grand finalist sa upper bracket final at lower bracket final ng playoffs. Bagamat bigo sa parehong tagpo, pinatunayan ng mga bata ni Carlo “Kuku” Palad na hindi na dapat minamaliit ang nasabing rehiyon.


Sa pagtatapos ng WePlay AniMajor, tanging ang mga regional qualifiers na lang natitirang aksyon bago tuluyang magsimula ang The International 10.

Aalamin ng naturang palakasan kung sino ang sasama sa 12 directly qualified teams, kung saan kabilang ang PSG.LGD, Evil Geniuses, at T1, bukod sa iba pa, na lalaro sa Stockholm, Sweden sa Agosto.