Nagbabalik sa OG si Sumail “SumaiL” Hassan upang kumpletuhin ang roster ng koponan para sa The International 10 regional qualifiers matapos magretiro ang kanilang carry na si Anathan “ana” Pham.

Nauna nang naging parte ng koponan si ang manlalaro noong 2020, ngunit umalis din matapos ang halos anim na buwan. Sa kabila ng kabiguan nilang magtala ng magandang resulta noong nakaraang taon, malugod pa rin ang pagtanggap ng OG ang pagbabalik nito.

SumaiL balik na sa OG
Credit: OG

“Sumail has always been one of my favorite teammates and players. We are thrilled to have him back and I’m personally delighted to have him back in OG, ” saad ni JMR Luna, CEO ng OG esports.

SumaiL: Ang pagbabalik ng hari

Naunang makilala si SumaiL matapos niyang manalo sa The International 2015 kasama ang Evil Geniuses sa edad na 15. Hinihirang din siya bilang isa sa pinakamagaling na midlaner sa larangan at kinikilala bilang ‘king’.

Matapos makipaghiwalay ng landas sa organisasyon mula North America, nasubukan maglaro ni SumaiL sa iba’t-ibang posisyon.

Naging stand-in siya ng Team Liquid noong nagdaang Dota Pro Circuit Season 2021: Season 2 – Western Europe Upper Division matapos ang pansalamantalang pag-alis ng offlaner nilang si Samuel “Boxi” Svahn sa active roster ng koponan.

Sa loob ng kanyang maikling kampanya, natulungan ng 22-taong-gulang na player magtapos sa ikalawang puwesto ng Upper Division ang koponan nang may 12-7 win-loss record at maselyo ang group stage slot para sa katatapos lang na WePlay AniMajor.

Bigo man makalampas ng group stage ang Team Liquid sa Kyiv, ipinagbunyi pa rin ang naging ambag ng naturang manlalaro.

Ngayong nagbabalik ang hari sa OG bilang carry, susubukan niyang buhatin ang defending champions sa The International 10 Regional Qualifiers upang depensahan ang kanilang titulo.


Magsisimula ang European qualifiers para sa pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon sa Hulyo 7.