Sementado na ang listahan ng 12 teams na siguradong makadadalo sa The International 10 matapos makaipon ng pinakamaraming puntos sa loob ng dalawang seasons ng 2021 Dota Pro Circuit.

Pasok ang Evil Geniuses at Quincy Crew mula North America, beastcoast at Thunder Predator mula South America, Virtus.pro mula Eastern Europe, Team Secret at Alliance mula Western Europe, PSG.LGD, Vici Gaming, Invictus Gaming, at Team Aster mula China, pati na rin ang T1 mula Southeast Asia sa pinakamalaking Dota tournament ng taon.

The International 10 12 directly qualified teams
Credit: Wykrhm Reddy

Nakumpleto ang Top 12 teams ng 2021 Dota Pro Circuit matapos ilaglag ng Evil Geniuses ang Team Nigma sa lower bracket ng WePlay AniMajor, ang huling Major tournament kung saan maaring makakuha ang mga koponan ng pinakaasam na Dota Pro Circuit points.

Sa pagkapanalo ng kasalukuyang Rank #1 na team, naselyo ng Thunder Predator, na nakaipon ng 800 Dota Pro Circuit points mula sa ONE Esports Singapore Major 2021 at dalawang seasons sa Upper Division ng South America, ang kanilang tiket papuntang Stockholm, kahit pa bigo silang makadalo sa Kyiv Major.

Regional Qualifiers: Ang natitirang daan patungong The International 10

Para sa mga koponang bigong mapabilang sa nasabing listahan, ang regional qualifiers na lang ang tanging daan upang makadalo sa The International.

Isang delegado bawat rehiyon ang tuluyang kukumpleto sa listahan ng mga lalahok sa engrandeng world championship. Sasalang ang mga ito sa regional qualifiers na magsisimula sa mga sumusunod na petsa:

The International 10 regional qualifier dates
Credit: Wykrhm Reddy
  • Eastern European at South America: June 23 hanggang 26
  • North America at Southeast Asia: June 30 hanggang July 3
  • China at Western Europe: July 7 hanggang 10

Sa rehiyon ng Southeast Asia, magbabakbakan sa double-elimination bracket ang OB Esports x Neon, TNC Predator, Fnatic Dota, Execration, BOOM Esports, Omega Esports, Motivate.Trust Gaming, Team SMG, Lilgun, ex-South Built Esports, Galaxy Racer, 496 Gaming, Army Geniuses, Team Mystery, at Cignal Ultra.

Gaganapin ang The International 10 simula ikalima hanggang ika-15 ng Agosto. Bukod sa Aegis of the Champions, paglalaban-labanan din ng mga koponan ang tumataginting na $40,018,195 prize pool, ang pinakamalaking prize pool sa kasaysayan ng esports.