Tagumpay ang PSG.LGD sa OGA Dota PIT Season 5: China matapos walisin ang Elephant, 3-0, sa isa sa pinakamabilis na best-of-five grand final sa kasaysayan ng professional Dota 2.

Halos 90 minuto lang ang kinailangan ng WePlay AniMajor champions upang patunayan na sila pa rin ang pinakamalakas na koponan hindi lang sa China, kung hindi pati na rin sa buong mundo.

Credit: OGA Dota PIT

PSG.LGD, tampok sa pinakamabibilis na laro sa 7.29

PSG.LGD sa WePlay AniMajor
Credit: WePlay AniMajor

Sa patch kung saan lumalagpas sa isang oras ang mga laban, halimbawa na lang ang 107 minutong bakbakan ng Elephant at Royal Never Give Up noong regional qualifier ng China para sa The International 10, tila iba ang laro ng PSG.LGD.

Sa nasabing turneo, tinapos ng koponan ni Zhang “y`” Yiping ang ikalawang mapa ng best-of-three series nila kontra Vici Gaming sa unang round ng lower bracket sa loob lang ng 17 minuto. 

Agad din naman nila itong hinigitan pa matapos mag-gg ng Team Aster sa bandang 13 minuto ng laban nila sa ikalawang round ng lower bracket dahil sa Techies ni Zhao “XinQ” Zixing.

Pano tinapos ng PSG.LGD ang Elephant sa loob ng 90 minuto

Elephant
Credit: Perfect World

Maganda ang ipinakita ng parehong koponan sa unang mapa bagamat naunang makalamang ang PSG.LGD.

Bandang 18-minuto ng bakbakan, pinasok nila ang Dire triangle camp kung saan nahuli nila ang apat na miyembro ng Elephant. Malaking gold ang napunta sa Templar Assassin ni Wang “Ame” Chunyu at kalauna’y hindi na napigilan ang paglaki ng kanilang kalamangan.

Sa ikalawang mapa naman, nag-flex ang PSG.LGD ng kakaibang draft matapos nilang piliin ang Tinker para kay Cheng “NothingToSay” Jin Xiang, habang Templar Assassin pa rin ang pinalaro para kay Ame.

Dahil kinakailangan ng parehong core na mag-farm, sinamantala ng Elephant ang pagkakataon sa early game upang makalamang sa tulong ng Leshrac ni Zhou “Yang” Haiyang, Puck ni Lu “Somnus丶M” Yao, at Winter Wyvern ni Xie “Super” Junhao.

Kahit nagawang makalamang ng Elephant dahil sa labang ito, hindi pa rin ito naging sapat para mapigilan ang tikas ng PSG.LGD. Isang pagkakamali lang ni Somnus丶M nang subukan niyang pitasin ang Ogre Magi ni y` ang naging mitsa upang muling makabwelta ang Dire.

Support Faceless Void ni y` sinelyo ang kampeonato sa OGA Dota PIT Season 5: China

Support Faceless Void
Credit: Valve

Sa huling mapa ng serye, nilabas muli ng PSG.LGD ang support Faceless Void na matagal-tagal nang nakapagpapakita sa mga professional tournaments.

Pero dahil hindi ganon kaganda bilang lane support si Faceless Void, muling naipanalo ng Elephant ang laning stage.

Pagsapit nga lang ng unang bakbakan ng laro, nabura agad ng PSG.LGD ang ano mang kalamangang naipon ng kanilang kalaban matapos mabura ang apat nilang miyembro, pati na ang kanilang middle tier-one tower.

Gaya kung paano tumakbo ang huling mga laro, hindi na nagpapigil ang PSG.LGD mula dito. Natapos ang ikatlo at huling mapa bilang ang pinakamaikling laro ng serye, na umabot lang sa 26 minuto.

Bukod sa kampeonato at mariing pagpapatunay na sila ang pinakamalakas na koponang papasok sa The International 10, nag-uwi rin ang PSG.LGD ng US$62,500, ang pinakamalaking bahagi ng USD$150,000 prize pool ng turneo.