Winalis ng PSG.LGD ang Team Aster sa OGA Dota PIT Season 5: China salamat na rin sa Techies pick ni Zhao “XinQ” Zixing noong ikalawang mapa ng best-of-three serye.

Nagharap ang dalawang koponan sa lower bracket semifinals, kung saan naging hakbangan ng PSG.LGD ang koponan nina Zhang “LaNm” Zhicheng patungo sa kampeonato.

Pano pina-GG ng Techies ng PSG.LGD ang Team Aster

Credit: WePlay AniMajor

Pumasok sa game two ang PSG.LGD nang may 1-0 kalamangan. Sinubukang pahabain ng Aster ang serye matapos mag-draft ng Razor carry para makapag-snowball sa early game at Death Prophet para pang-push.

Kinontra ito ng koponan ni Zhang “y`” Yiping nang piliin niya para sa kanyang sarili si Treant Protector, na naghi-heal ng towers, at Techies para kay XinQ.

Notoryus si Techies dahil sa kakayahan nitong magpahaba ng laban. Bukod dito, kaya rin nilang i-solo push ang throne ng kalaban pagtapak sa level 25 dahil sa talent nitong +60 Mines Movement Speed.

Credit: ONE Esports

Dahil hindi kaya palagan ng kanilang lineup ang paglakas ng Templar Assassin, napilitan ang Team Aster na mag-all-in. Halos pantay ang laban pagdating sa gold at kills, pero hindi rin masyado nagtagal bago sila mapilitang sumuko.

Nangyari ang ‘Techies moment’ bandang 13-minuto ng laban. Kaka-Triple Kill lang ng TA ni Wang “Ame” Chunyu kaya’t nag-farm na lang sa top jungle camp ang Razor ni Du “Monet” Peng. 

Pagka-clear niya sa camp na pinu-pull, susubukan sana ni Monet na puntahan ang creep wave nang mahuli siya ng Stasis Trap. Sumabog sa kanyang mukha ang limang Remote Mines bago siya tuluyang tapusin ng isang Proximity Mine.

Ang mga tanim na bomba ni Techies

Sinundan ito ng “GG” all-chat ni LaNm bilang pagsuko.

Dito natapos ang kampanya ng Team Aster sa OGA Dota PIT Season 5: China. Nag-settle sila sa ika-apat na posisyon at nag-uwi rin ng USD$12,500.

Samantala, kinumpleto naman ng PSG.LGD ang kanilang lower bracket run upang mauwi ang kampeonato at USD$62,500, ang pinakamalaking bahagi ng USD$150,000 na prize pool.