Lumagpas ng 107 minuto ang naging sagupaan ng Royal Never Give Up at Elephant dahil sa matinding depense ng Arc Warden ni Zhong “圣子华炼God-King-SzhL” Liushuai.

Dinaig pa ang haba ng mga laro sa Southeast Asia qualifier ang naging bakbakan sa unang mapa ng best-of-three serye sa pagitan ng dalawang koponan para sa The International 10 China qualifier.

Bagamat Elephant ang nanaig sa nasabing mapa, pati na sa buong qualifier, marami pa rin napatunayan ang RNG sa nasabing serye at isa na dito ay kung gaano ka-broken ang Arc Warden.

Ang pagpapakitang-gilas ni God King ng RNG bilang Arc Warden

Nanguna ang Elephant pagdating sa gold sa kabuuan ng laro. Bandang 35-minuto pa lang ng laban ay lagpas 20k na ang kanilang kalamangan sa pera.

Elephant Dota 2
Credit: Elephant

Pero kahit hindi na halos mababaliktad pa ang kalamangang ito, nagsilbing patunay ang Arc Warden ni God King kung bakit Royal Never Give Up ang pangalan ng kanilang koponan.

Halos napawalang-silbi kasi ng Magnetic Field ang physical damage na nanggagaling sa basic attack ng Templar Assassin ni Lu “Somnus丶M“ Yao dahil sa 100% evasion na binibigay sa mga nasa loob ng AoE nito kontra sa mga atake na manggagaling sa labas.

Ang Leshrac lang ni Zhang “Eurus” Chengjun ang may kakayahang makabawas sa dito salamat sa Diabolic Edict.

Nang nawasak na sa wakas ng Elephant ang base ng RNG, lumabas na ang kanilang laban ang pinakamatagal sa kabuaan ng TI10 Regional Qualifier at 7.29 patch, at ika-15 sa kasaysayan ng professional Dota 2.

Ang pagtala rin ni God King ng 1,237 gold-per-minute sa kanyang Arc Warden ay ang pinakamataas na na-score ng isang manlalaro na hindi Alchemist ang ginagamit. May hawak din siyang 49,475 gold bago pumutok ang kanilang Ancient.

Bakit nga ba tila sobrang lakas ng Arc Warden?

Hindi masyadong sikat sa competitive scene si Arc Warden. Sa katunayan, lumabas lang siya bilang pangtapat sa meta pick na Terrorblade, kaya walong beses lang siya nakapagpakita sa 291 kabuuang laban na naganap noong regional qualifiers, at isa lang dito ang nauwi sa panalo.

Arc Warden Dota 2
Credit: Valve

Kung tutuusin, ang Magnetic Field lang talaga ang mahirap kontrahin sa lahat ng kanyang mga skills. Gumagana rin kasi ito sa mga buildings, katulad ng ginawa ni God King, bukod pa sa mga kakampi.

Naiwasan naman kasi ng Elephant noon ang kakayahan ng Arc Warden mag-split push gamit ang Tempest Double.

Matatandaan na ang parehong skill din na ito ng hero ang ginamit ni Amer “Miracle-” Al Barkawi upang mabaliktad ang laban nila noon kontra Alliance sa lower bracket final ng WePlay! Omega League. 

Suhestiyon ng founder ng Beyond the Summit at sikat na commentator at analyst na si David “Godz” Parker, kailangan ma-rework kung paano gumagana ang Magnetic Field sa building, kung hindi man ito palitan nang buo, upang mabalanse.

Ibinato rin niya na gawing upgradable item ang Meteor Hammer, ang nag-iisang item na kayang bumawas at mag-stun sa mga building, katulad ng Dagon.