Bigo ang TNC Predator na pahabain pa ang kanilang kampanya sa WePlay AniMajor matapos silang ilaglag ng Evil Geniuses, 2-1, sa ikalawang round ng lower bracket playoffs, Biyernes ng gabi.

Nauna nang nagharap ang dalawang koponan noong group stage ng nasabing palaro. Hindi man nabago ang resulta nang muli silang magtuos, inamin pa rin ni Tal “Fly” Aizik, na siyang kapitan ng North American team, na hindi basta-basta ang delegado ng Southeast Asia.

TNC Predator, hindi pumayag na hindi papalag

Bugbog ang inabot ng TNC Predator sa unang laro ng best-of-three laglagan. Umabot sa 23-0 ang tala sa kills bago makapitas ng isa ang mga Pinoy, bandang 20-minuto ng laro, kontra Viper ni Daryl Koh “iceiceice” Pei Xiang.

Evil Geniuses vs TNC Predator iceiceice thumbs up
Credit: WePlay AniMajor

Di man agad sumuko, ang pagubos sa lahat ng mga miyembro ng Pinoy team, bandang 28-minuto, ang pumako sa panalo ng Evil Geniuses. Natapos ang one-sided na laban na may 36-3 pagitan sa kills, at kulang-kulang 25k na kalamangan sa networth.

Mas dikit na laban naman ang ipinakita ng parehong koponan sa ikalawang mapa ng serye. Bagamat nahirapan ang Dragon Knight ni Kim “Gabbi” Villafuerte noong unang bahagi ng laban, hindi hinayaan ng Lycan ni Jun “Bok” Kanehara at Templar Assassin ni Armel Paul “Armel” Tabios na muli silang matambakan.

Nakuha ng TNC Predator ang kalamangan ngunit naging balakid ang Leshrac ni Arteezy tuwing susubukan nilang umakyat sa high ground. Sa huli, sila pa rin ang nanaig sa tulong ng Rampage ni Armel na nagpa-dieback kay Arteezy at sa Batrider ni Abed “Abed” Yusop.

Kasing init ng ikalawang laro ang do-or-die game ng serye. Maagang naging problema ang Timbersaw ni iceiceice kahit pa hindi masyado lumayo ang pagitan ng networth at kills ng dalawang koponan matapos ang unang 32 minuto ng laro.

Nadala ng team fight-heavy lineup ng TNC Predator ang laban kung saan hindi na pwede mag-snowball ang draft ng Evil Geniuses. Ngunit sa kabila nito, nabigo pa rin sila mapigilan ang mobility ng mga heroes ng kinatawan ng North America sa pangunguna ng Ember Spirit ng Abed.

Malayang nakatatalon sa sa mga support sa likod ang kalaban nilang Pinoy, habang nahirapan naman ang Magnus ni Bok na hulihin ito o ang Nature’s Prophet ni Arteezy.

Kahit magse-settle sa top 7th-8th place finish ang TNC Predator, matapos ilaglag ang Team Aster, bakas sa huling dalawang laro ng serye na hindi naging madali ang laban para sa Evil Geniuses.

Maguuwi rin ang all-Filipino lineup ng $12,500 cash prize mula sa $500,000 prize pool ng palaro.


Dahil bigong maselyo ang ikalawang puwesto sa huling Major tournament ng 2021 Dota Pro Circuit, na sana’y seselyo sa kanilang slot sa The International 10, dadaan na rin sa regional qualifier ang TNC Predator upang makadalo sa pinakamalaking Dota tournament ng taon.

15 koponan ang maglalaban sa Southeast Asia qualifier, kabilang ang Fnatic Dota, Neon Esports, Execration, bukod sa iba pa, at ang tanging mananalo lamang ang mabibgiyan ng pagkakataon na lumipad sa Stockholm, Sweden.

Nakatakdang magsimula ang The International 10 Southeast Asia qualifier mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 3.