Pasok sa lower bracket ng WePlay AniMajor ang TNC Predator matapos nilang tapusin ang kanilang kampanya sa group stage sa ikalimang puwesto.

Muntik pang humaba ang kalbaro ng kinatawan ng Pilipinas sa nasabing tournament phase ng ikalawang Major tournament ng 2021 Dota Pro Circuit kung hindi nagpasikat ang Puck ni Armel Paul “Armel” Tabios kontra Team Spirit ng Eastern Europe. 

Puck ng Tondo, pinabilib ang mundo

Nagpaulan ng 17 kills, 23 assists, at 82,559 damage kontra dalawang deaths ang midlaner na tubong Tondo, Manila upang buhatin ang TNC Predator mula sa pagkakadehado sa networth na lumagpas sa 13k.

Puck performance ni Chief Armel
Credit: WePlay AniMajor

Nauna mabasag mid at top Barracks ng mga Pinoy matapos itong araruhin ng matabang Wraith King ni Illya “yatoro” Mulyarchuk bandang 44-minuto. Pero ngilid sa kanilang kaalaman, ito na pala ang huling beses na sila ay makakaporma.

Unti-unting nabaliktad ng TNC Predator ang kalamangan matapos talunan nang talunan ni Armel ang mga supports sa likod tuwing may team fights. Napawalang silbi rin ang kunat ng mga cores ng Team Spirit, sa galing ng 21-taong-gulang sa pag mando ng malikot na Puck.

Sinelyo ng TNC Predator ang panalo matapos ang isang oras at apat na minutong bakbakan. Bukod sa Puck ni Armel, nag-ambag din ang Ursa ni Kim “Gabbi” Villafuerte ng 16 kills at siyam na assists sa kabila ng limang deaths. 

Bagamat natabla ng Team Spirit ang best-of-two serye sa likod ng Ursa ni Yatoro na nagtala ng 16/0/15 na kill-death-assist scoreline, sapat na ang tagumpay ng mga Phoenix sa unang laro upang mapahaba pa ang kanilang pamamalagi sa Kyiv, Ukraine.

Armel, TNC Predator maaring harapin ang T1 o Aster sa playoffs

Nagbabadya naman na maglaglagan ang TNC Predator at kapwa nila Southeast Asian representative na T1 sa playoffs ng WePlay AniMajor. 

Kung sakali kasi na mabigo ang koponang pinangungunahan ni Carlo “Kuku” Palad kontra kampeon ng Dota Pro Circuit 2021: Season 2 – China Upper Division na Aster sa kanilang best-of-three series ay bababa sila sa unang round lower bracket kung saan naghihintay ang all-Filipino team.

Credit: WePlay Esports

Importante ang magiging resulta ng T1 sa turneyo dahil dito nakasalalay ang kanilang pagkakataong mapabilang sa 12 koponang maiimbitahan para maglaro sa The International 10, ang pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon.

Kailangan lang ng South Korea-owned organization na maselyo ang ikawalong puwesto sa WePlay AniMajor para maabot ang ngayo’y 801 Dota Pro Circuit points na kailangan para sa karapatang makalaro sa Stockholm, Sweden sa Agosto.

Sa kabilang banda, kailangan naman ng TNC Predator na maka-second place para sa guaranteed TI 10 slot.


Samantala, kinapos naman ang Team Liquid ng Western Europe at beastcoast ng South America na makalampas sa group stage.

Magsisimula ang playoffs ng WePlay AniMajor bukas, Hunyo 9. Mapapanood ang official Filipino broadcast ng WePlay AniMajor sa YouTube at Facebook page ni KuyaNic.