Hindi pumayag ang TNC Predator na magtapos ang kanilang kampanya sa kamay ng Team Aster matapos nilang i-secure ang 2-1 comeback na panalo sa unang round ng WePlay AniMajor lower bracket playoffs.

Nagkamali man noong unang laro, pinatunayan ng all-Filipino team na hindi pa rin uubra ang kampeon ng Dota Pro Circuit 2021: Season 2 – China Upper Division, na nilaglag sa lower bracket ng T1 kagabi, sa tikas ng mga tiga-Southeast Asia.

TNC Predator: comeback is real!

Nakawiwili ang bakbakan sa pagitan ng kinatawan ng Southeast Asia at China. Mula kasi sa pagkakadehado nakuha ng parehong koponan ang kanilang mga panalo noong unang dalawang laro ng best-of-three serye.

Sa unang mapa, umahon mula sa kulang-kulang 9k networth na tambak ang Team Aster matapos mag-asim ng TNC Predator bandang 37-minuto ng laro. Nag-dive ang mga Pinoy sa loob ng base ng kanilang kalaban kahit na may mga tier-three towers at Roshan pa.

Nabaliwala nito ang game-high 25.5k networth at 6.6k damage dealt ng Templar Assassin ni Armel Paul “Armel” Tabios nang mag-GG ang kanilang koponan bandang 42-minuto ng laro.

Sa ikalawang mapa, TNC Predator naman ang bumawi mula sa pagkakatambak upang pwersahin ang ikatlong laro ng serye. Mas malalim ang inahon ng mga Pinoy dahil umabot sa 18k networth ang naging lamang ng koponang pinangungunahan ni Zhang “LaNm” Zhicheng.

Mga basbas na lang sana ni Roshan ang kailangan ng Team Aster upang tuluyang mapako ang kanilang pagkapanalo. Kaso bandang 53-minuto, napunta sa kamay ng Batrider ni Armel ang minimithing Aegis of the Immortal sa tulong ng clutch na Flamebreak.

Matapos ang nakababaliw na games one at two, sinigurado na ng TNC Predator na mas malinis na team fight execution at mas pulidong decision-making ang kanilang ipakikita sa do-or-die na mapa.

Naging responsable ang Tiny ni Armel at Ursa ni Kim “Gabbi” Villafuerte sa 20 ng 24 kabuuang bilang ng kills ng TNC Predator. Hindi rin matatawaran ang mga Reverse Polarity ni Jun “Bok” Kanehara na madalas pumigil sa makunat na Dragon Knight ni Lin “Xxs” Jing.

Napawalang-bisa rin ang mga Chronosphere ni Du “Monet” Peng salamat sa Shadow Word ng Warlock ni Marvin “Boomy” Rushton at Cold Embrace ni Timothy “TIMS” Randrup, kaya napilitan ang Team Aster na itigil ang kanilang kampanya sa 9th-12th place matapos ang 38-minutong game three.

Aabante naman ang TNC Predator sa siguradong 7th-8th place finish dahil sa 2-1 nilang panalo.


Bagamat naka-secure ang kinatawan ng Pilipinas ng 200 Dota Pro Circuit points, bukod sa $12,500 na cash prize, hindi pa rin ito sapat upang maselyo ang kanilang slot sa The International 10. Kailangan kasi nilang makuha ang ikalawang puwesto ng turneyo upang makaipon ng sapat na points.

Kakalabanin ng TNC Predator sa Biyernes, Hunyo 11, ang koponang mananalo sa pagitan ng NoPing e-esports ng South America at Evil Geniuses ng North America.

Mapapanood ang official Filipino broadcast ng WePlay AniMajor sa YouTube at Facebook page ni KuyaNic.