Bigong umusad ang Execration sa group stage ng WePlay AniMajor, ang ikalawa at huling Major tournament ng 2021 Dota Pro Circuit, matapos nilang tapusin ang kampanya sa wild card stage sa 5th place.

Bagamat maaga silang nalaglag sa nasabing palaro, uuwi pa ring  taas-noo ang isa sa mga pambato ng Pilipinas dahil napatunayan nilang kaya nilang pumalag kahit laban pa sa mga katulad ng Team Secret, Vici Gaming, at ONE Esports Singapore Major 2021 champions na Invictus Gaming.

Faceless Void ni Palos, palong-palo vs Major Champions

iG agad ang bumungad sa Execration sa kanilang muling pagbabalik sa isang Valve-sanctioned tournament. Mainit ang naging unang laro ng best-of-two series, umabot na sa 26 minuto ang laro pero wala ni isa sa mga naglalaban ang lumamang sa networth nang higit sa dalawang libo. 

Kahit pa nasungkit ng Chinese team ang panalo sa huli, naging matibay na patunay ang larong ito na hindi lang dahil sa swerte kaya nasa Kyiv, Ukarine ang Execration.

Sa ikalawang laro ng serye, nilabas ng mga Pinoy ang Invoker at Faceless Void combo nina Yuri Dave “Yowe” Pacaña at Jinn Marrey “Palos” Lamatao. Kahit nahirapan noong early game, naitabla ng 19-taong-gulang na carry ang serye matapos niyang magtala ng 13 kills at 10 assists nang hindi namamatay kahit isang beses.

Nagpakitang-gilas din ang Magnus ni Nikko “Nikko” Bilocura. Tinapos niya ang laro na may game-high 19 assists. Nagsilbing susi rin ang kanyang Reverse Polarity bandang 26-minuto ng laro para mapwersa ng Execration ang buyback mula sa Morphling ni Jin “flyfly” Zhiyi.

Nauwi rin sa tabla ang natitira nilang laban ng Execration noong June 2 kontra AS Monaco Gambit ng Eastern Europe at Vici Gaming ng China. Sa win-loss record na 3-3, tinapos ng koponan ang unang araw ng wild card stage na may mataas na tsansang makatungtong sa group stage ng palaro.

Team Nigma pinauwi ang Execration

Nauwi nanaman sa tabla ang serye ng Execration kontra Team Secret, kahit pa binugbog nila ang kandidato ng Western Europe sa unang laro na nagtapos sa 34-5 kill difference, salamat na rin sa imortal na Ursa ni Palos, nang ituloy nila ang ikalawang araw ng wild card stage.

Ursa ni Execration Palos vs Sven ni Team Secret MATUMBAMAN
Screenshot mula sa WePlay AniMajor

Bagamat maliit, may tsansa pa sana ang mga Pinoy na pahabain ang kanilang pamamalagi sa Kyiv kung hindi lang sila nabugbog ng Nigma, 0-2.

Wala sa dalawang laro kontra koponan ni Kuro “KuroKy” Salehi Takhasomi ang lumagpas sa 30-minuto. Sa unang mapa, ang mga malulupit na Cold Embrace ng Winter Wyvern ni Maroun “GH” Merhej ang nagsilbing balakid para hindi lumagpas sa siyam ang kabuuang patay ng Execration. Nakapagtala rin si Igor “iLTW” Filatov dahil dito ng flawless 9/0/19 kill-death-assists scoreline.

Kahit pa noong mga huling minuto lang namatay ang Void Spirit ni Yowe, hindi ito naging sapat upang maiahon ang kanyang koponan mula sa tambak na 15k networth at 33-9 kill difference.

Screenshot mula sa WePlay AniMajor

Hindi nalayo ang resulta ng ikalawang laro sa sinundan nito. 25 minuto lang ang kinailangan ng Nigma para mapwersa ang GG call sa mga kalabang Pinoy. Bukod sa muling pagpapasikat ni iLTW, gamit naman ang Anti-Mage, inilabas din ng tanyag na European squad ang vintage Invoker ni Amer “Miracle-” Al-Barkawi.

Hindi na hinayaan ng Jordanian player na makabwelo pa ang Morphling ni Yowe matapos niya itong i-outfarm sa middle lane. Sa huli, siya ang nagtala ng pinakamataas na damage na humigit sa 20k.

Dahil sa talong ito tinapos ng Execration ang kanilang kampanya sa WePlay AniMajor sa ika-17 na puwesto. Pinasalamatan naman ni Coach Kimuel “Kim0” Rodis ang kanyang mga players at mga fans na sumuporta sa kanila.

At Don nga nag tapos ang Kyiv Majors Wildcard Run ng Team Execration…Thank you mga bes Ganun talaga its Either You…

Posted by Kimolmighty on Thursday, June 3, 2021

TNC Predator, T1 Dota: Itabi mo Execration, kami na

Maaga mang uuwi mula sa Kyiv, Ukraine, hindi pa rito natatapos ang kampanya ng Pilipinas sa WePlay AniMajor.

Here we go boys and girls! To our first ever series here in the #Animajor we march! We will be facing against EG and VG…

Posted by TNC Pro Team – Dota2 on Thursday, June 3, 2021

Simula June 4 hanggang June 7, ang all-Filipino squad naman ng TNC Predator ang babandera sa group stage ng palaro. Sasabak sila sa best-of-two, single-round robin kontra Team Liquid, PSG.LGD, Team Spirit, Evil Geniuses, beastcoast, at wild card qualifiees na Team Nigma at Vici Gaming.

Dalawang teams ang malalaglag sa tournament phase na ito, apat naman ang aabante sa lower bracket ng playoffs, habang dalawa ang pasok sa upper bracket, kung saan naghihintay ang Southeast Asian team na T1, na pinangungunahan ni Carlo “Kuku” Palad, Alliance, Virtus.pro, Quincy Crew, NoPing e-sports, at Team Aster. 

Mapapanood ang official Filipino broadcast ng WePlay AniMajor sa YouTube at Facebook page ni KuyaNic.