Isinapubliko na ang group seedings para sa VCT Stage 3 Masters Berlin at namataang magkasama sa Group D ang Bren Esports at Sentinels.

Kasama ng dalawang koponan sa kanilang pangkat ang G2 Esports, na katapat ng North American powerhouse, at F4Q, na haharapin naman ng pambato ng Pilipinas.

VCT Stage 3 Masters Berlin Group Stage Seeding
Credit: Riot Games

Bagamat hindi agad magkakatapat ang dalawang koponan sa double-elimination bracket ng naturang Valorant tournament phase, may pagkakataon pa rin na matupad ang inaasahang bakbakan lalo na kung mananalo ang parehong koponan sa una nilang mga laban.


Bren Esports vs Sentinels, posible sa group stage ng VCT Stage 3 Masters Berlin

Matapos walisin ng Bren Esports ang Alter Ego sa lower bracket final ng VCT SEA Stage 3 Challengers upang maselyo ang huling tiket na nakalaan para sa rehiyon papuntang Berlin, agad na nag-tweet ang ‘Jett ng Pinas’ na si Jayvee “DubsteP” Paguirigan nito:

Bren Esports ang hinirang na kampeon ng naturang SEA qualifiers matapos makabanse mula sa kanilang pagkatalo noong upper bracket grand finals kontra Paper Rex.

Ang resultang ito raw ay inaasahan na ng Sentinels in-game leader na si Shahzeb “ShahZaM” Khan, ayon sa clip mula sa kanyang stream na ni-retweet ni Jessie “JessieVash” Cuyco.

Bren Esports roster sa VCT Stage 3 Masters Berlin

Bren Esports Valorant
Credit: PPGL
  • Jessie “JessieVash” Cuyco
  • Jayvee “DubsteP” Paguirigan
  • Jim “BORKUM” Timbreza
  • Kevin “Dispenser” Te
  • Riley “witz” Go

Samantala, kinikilala naman ang Sentinels bilang ang pinakamalakas na Valorant team sa buong mundo ngayon. Nagawa nilang maging kampeon noong VCT Stage 2 Masters Reykjavík nang hindi natatalo kahit isang mapa.

Sentinels roster sa VCT Stage 3 Masters Berlin

Sentinels
Credit: Riot Games
  • Shahzeb “ShahZaM” Khan
  • Hunter “SicK” Mims
  • Jared “zombs” Gitlin
  • Michael “dapr” Gulino
  • Tyson “TenZ” Ngo

Nakatakdang ganapin ang VCT Stage 3 Masters Berlin simula sa ika-10 hanggang sa ika-19 ng Setyembre. Ito ay idadaos sa Verti Music Hall sa Berlin, Germany.

Masusubaybayan ang mga bakbakan sa opisyal na Twitch at YouTube channels ng Valorant.