Kung may rookie MVP na Benjie Paras ang Philippine Basketball Association noon, ang Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines ay may super rookie Work Auster Force ngayon. 

Kagulat-gulat ang ginawa ng Work matapos nilang ilaglag ang Nexplay Esports, 3-1, sa kanilang lower bracket matchup sa unang araw ng MPL PH Season 7 Playoffs. Matapos maisahan sa game 1, hindi na pinagbigyang makabawi ng Work ang NXP kung saan kinuha nila ang tatlong sunod na laro para isarado ang serye.

Pinangunahan ni Coach John Laurence “Lift” Ruiz ang malinis na pagtrabaho kontra sa crowd-favorite na NXP.  

Unang tagumpay ng Work sa MPL PH laban sa NXP

Dahil sa mga errors na nagawa sa game 1 kung saan nakakuha pa ng maniac ang Ling ni John Paul “H2wo” Salonga,  maiging pinagplanuhan ng Work kung paano maibabalik sa kanilang team ang tempo. Kaya naman sa game 2 ng matchup, maagang sinecure ng team ang Ling pick para kay Daniel “Chuuu” Chu na syang tumabla sa serye sa pamamagitan ng matikas na 8/0/5 KDA.

Sumubok na rumesbak ang team ni Setsuna “Dogie” Ignacio sa game 3, ngunit pinatunayan ni Frediemar “3Martzy” Serafico na siya ang pinakamagaling na Benedetta player sa torneyong ito. Malaki ang impact ni 3MarTzy sa laban sa kanyang 9/4/3 KDA, kasama na ang mga crucial na pitas sa early game na nakatulong sa team nyang mabawi ang balanse ng laro. Siya ang tinaguriang MVP ng game na ito.

Sa ika-apat at huling laro ng serye, si Clarense “Kousei” Camilo naman ang nagningning para sa panig ng Work Auster Force. Sinayawan ng kanyang Esmeralda ang backlines ng NXP sa 11-minute mark ng game 4 para makakuha ng triple kill upang matulungang maibalik ang momentum sa kanyang kupunan.

Isang wipeout sa 16-minute mark ng laro ang nagsarado  ng pintuan para sa Nexplay sa pangarap nilang maka-advance sa next round.

Sa pagka-panalo naman ng Work, kakalabanin naman nila ang matikas na M2 World Champions Bren Esports sa second round.