Bomba sabay rampa ang Diggie picks ng Blacklist International na susi sa kanilang 3-1 arangkada kontra sa Aura PH sa pinaka-aabangang upper bracket matchup sa Mobile Legends: Bang Bang Philippines Season 7 playoffs.

Sa apat na laban ng seryeng ito, patuloy na hinayaan ng Aura na mapasakamay ng Blacklist ang kanilang mapanganib na meta hero. Primera itong hinawakan ni Mark Jayson “Eson” Gerardo sa game 1 at minando naman ni Johnmar ‘OhMyV33nus’ Villaluna sa huling tatlong laro.

Game 1: Hit Bulaga!

Sa draft pick palang, halata ng plantsado ang nais mangyare ng Blacklist sa labang ito. Ginulantang ng 1st seed team ang Aura sa unang laro ng serye sa pamamagitan ng surpresang Beatrix pick na hinawakan ni Kiel “Oheb” Soriano sa gold lane, kasama na ang nabanggit na early pick up ng Diggie para kay Eson.

Dahil sa early game composition na meron ang Blacklist, pinilit ng Aura na maagang guluhin ang buff pick ups ni James “Wise” Del Rosario. Dalawang beses na napitas si Wise sa kanyang signature Granger na nagmistulang delubyo para sa Blacklist.

Ngunit ng makuha ni Oheb ang kanyang napaka-agang Blade of Despair apat na minuto sa laro, nagbago ang ihip ng hangin papunta sa kanyang kupunan.

Ang damage output ng Beatrix at Granger, ang scouting na dala ng Diggie, kasama pa ang mga agresibong maniobra ni OhMyV33nus sa kanyang Mathilda ang nagbigay daan para sa Blacklist upang sagasaan ang kabilang kupunan at makakuha ng key objectives patungo sa mabilis na game 1 win.

Game 2: UBE ang paboritong flavor

Alam na ng Aura na haharapin nila ang matikas na Ultimate Bonding Experience (UBE) strategy na pinauso ng top-rated nilang kalaban. Kaya naman hindi sila nag-atubiling kuhanin ang Lou Yi na naging matagumpay sa kamay ng Bren Esports laban sa Blacklist.

Kampante ang Aura sa kanilang lineup kaya agresibo silang nakipag-palitan sa early game. Ngunit dahil sa vision na dala ng Alarm Bombs ng Diggie ni v33nus, napigilan ang tuluyang pagratsada ng Aura upang makuha ang kontrol sa laro.

Sakuna ang kinalabasan ng subukin ng Aura na pitasin si Wise gamit ang kanyang Granger sa bottom lane 9 minuto sa laro. Mabilis ang responde ng team Blacklist sa kanilang jungler para baliktarin ang gank kung saan tatlo ang nawala sa kupunan ng Aura.

Nagbigay daan ito sa first lord take na sinamantala ng Blacklist para sama-samang basagin ang inner turrets ng kalaban para sa game 2 panalo.

Game 3: Kami naman sabi ng Aura

Hindi na bago sa two-time MPL PH champions Aura PH ang maging dehado sa isang importanteng serye. Nanatiling composed ang kupunan ni coach Michael “Arcadia” Bocado na isinalang ang kanyang mobility lineup sa game 3 ng matchup.

Kontrolado ng Aura ang kabuuan ng pangatlong salpukan ng top-seeded teams gawa ng napakahusay na engage mechanics ni  Ashley Marco “killuash” Cruz sa kanyang Paquito kasunod ang mabilis na AOE damage ni Benedict “bennyqt” Gonzales sa kanyang Lapu-Lapu.

Maaga palang sa game 3 ay kitang-kita na ang epekto ng priority pick-off nila sa Diggie ni v33nus. Anim na minuto sa laro, pinaso ng Aura ang kalaban sa isang sagupaan sa bottom lane na lumapnos sa apat na miyembro ng Blacklist.

Sinubukang apulahin ng Blacklist ang snowball ng kabilang team ngunit patuloy na nagbaga ang Aura fire patungo sa mid game na nakakuha pa ng lord. Tuluyan ng binasag ng Aura ang kabilang base matapos ang midlane initiation sa panguguna ni killuash para makabawi sa serye, 1-2.

Susi din ang early pick up ng Malefic Roar ni Jaymark “Lord Hadess” Lazaro sa kanyang Brodie para sa pagkuha ng objectives ng kanyang team. Nagtala si Lord Hadess ng 27,201 total turret damage para iangat ang kanyang kupunan pabalik sa serye.

Game 4: Sure win na’to kay Aldous

Buo ang tiwala ng Blacklist sa kanilang hero lineup dahil sa dalang sustain capability at lakas sa team fight. Ngunit dahil sa natamasang game 3 defeat, minabuting i-adjust ni Coach Bon “Bon Chan” Ricaplaza ang kanilang early game-centric na atake.

Kinuha parin ng Blacklist ang dual support combination ng Rafaela at Diggie ngunit para sa last pick, inilabas ni Coach Bon ang Aldous na nagpangiti sa kanyang jungler.

Hindi pinayagan ng Aura na maging madali ang buhay ni Wise gawa ng early game agression na dala ng Greed Kagura at Jaypee Mathilda na patuloy na nanggulo sa mga buff takes.

Ngunit dahil sa supports ng Blacklist, hindi rin nabigyan ng matindi ang Aldous na patuloy na nag-farm papunta sa mid game. Henyo din ang maniobra ni Edward “Edward” Jay Dapadap sa kanyang Benedetta na kumontrol sa early game ng Yi Shun Shin ni Lord Hadess.

Ang pagpick off ni Harith ni Oheb sa Kagura at YSS sa kanilang death march 12 minuto ang nakalipas sa laro ang tuluyang nagsarado sa upper bracket salpukan para sa kanilang team, 3-1.

Sa panalong ito, pasok na sa Grand Finals ang Blacklist. Hihintayin nila ang mananalo sa pagtutuos ng Aura at Execration. Secured na rin ang kanilang spot bilang representative ng Pilipinas sa darating na MLBB Southeast Asia Cup 2021.