Kinoronahang kampeon ang Tundra Esports sa ESL One Fall 2021 matapos nitong talunin ang PSG.LGD, 3-2, sa isang makapigil-hiningang five-game grand finals.

Winalis ng Tundra ang Beastcoast at Virtus.Pro, 2-0, sa upper bracket upang madaling makapasok sa finals.

Samantala, matapos pabagsakin ng VP sa unang round, ginapang ng LGD ang lower bracket sa pamamagitan ng sunud-sunod na 2-1 panalo kontra sa Team Spirit, T1 at VP.


Nagpalitan ng suntok ang Tundra Esports at PSG.LGD

Credit: WePlay! Esports

Pumabor sa Tundra Esports ang Game 1 ng serye. Kumuha sila ng fast tempo na lineup sa pangunguna ng Monkey King ni Leon “Nine” Kirilin sa mid lane para maparusahan ang mas mabagal na draft ng PSG.LGD.

Madaling nakaungos ang rising European team sa laning stage at ang malaking team fight victory sa 13-minute mark ang nagpasimula ng pag-snowball nila. Sinimulan ni Nine ang clash ng isang malupit na Wukong’s Command na binura ang Templar Assassin ni Wang “Ame” Chunyu at Phoenix ni Zhang “y`” Yiping.

Matapos ang team wipe, hindi na lumingon pa ang Tundra at tuluyang sinelyo ang opening game sa loob ng 32 minuto.

Nakatabla ang Chinese powerhouse sa Game 2 salamat sa magandang galawan ni y` sa kanyang Bane na kamakailan lamang ay nabigyan ng buff.

Mas malakas ang naging hampas ng LGD sa Game 3 gamit ang kanilang push heavy lineup na pinangunahan ng Lycan ni Zhang “Faith_bian” Ruida at Leshrac ni Zhang “xiao8” Ning habang ang Sven ni Ame ay nagpataba lang para sa late game.

Sumandal ang Tundra Esports sa Zoo meta ng Beastmaster ni Neta “33” Shapira sa Game 3 pero madali itong nakontra ng Keeper of the Light ni Zhao “XinQ” Zixing na nagresulta sa 9K gold lead sa 20-minute mark para sa PSG.LGD.

Sumubok pang maka-comeback ng Tundra matapos makuha ang Aegis of Immortal ngunit nagsimula ang pagbagsak nila nang puksain ni Ame sa kanyang Sven ang Lifestealer ni Oliver “skiter” Lepko na isa sa mga biktima ng kanyang triple kill. Tuluyang sinara ng LGD ang laro sa loob lamang ng 26 minuto.

Pareho ang naging kwento ng Game 4 sa Game 2 pero sa larong ito, Tundra ang nakasunggab ng kalamangan dahil sa matinik na Aegis steal ni Nine gamit ang kanyang Templar Assassin.


Game 5 ang pinakamabagsik na laro sa ESL One Fall 2021

Credit: ESL One Twitter

Nakaiskor ang Tundra Esports ng mahalagang team fight win sa 23-minute mark dahil sa kanilang high ground advantage at sinelyuhan ito ng malapalos na pagtakas ni Adrian “Fata” Trinks sa kanyang position-5 Monkey King.

Bumawi ang PSG.LGD matapos ang ilang minuto sa isang mahabang standoff sa Roshan. Parehong gumastos ng mga buyback ang dalawang koponan pero ang pambato ng China ang nakasungkit ng Aegis kasama pa ang dieback sa Night Stalker ni 33.

Palitan ng sapak ang mga sumunod na eksena pero pagsapit ng 40 minuto, nagsimula nang kumalas ang Tundra dahil sa mas magandang draft nila na may scaling cores.

Biglang natapos ang laro nang mapitas ng Tundra ng ilang LGD player habang wala itong mga buyback. Unang namatay ang Viper ni Faith_bian at KoTL ni y` at sunud-sunod nang nawala ang iba pang hero ng LGD.

Isa itong matamis na tagumpay sa ESL One Fall 2021 para sa Tundra Esports matapos pumalyang maka-qualify sa The International 10 dahil sa mapait na pagkatalo sa two-time world champion OG sa Western Europe qualifier.

Ang PSG.LGD naman ay sunod na sasabak sa TI10 bilang isa sa limang Chinese team at isa rin sa mga paborito na makuha ang Aegis of Champions.

Inuwi ng Tundra ang kanilang pinakamalaking premyo na nasa US$ 175,000 (higit P8 milyon) habang ang LGD ay nakakuha ng US$ 85,000 (higit P4 milyon).

Pwede niyong basahin ang orihinal na article dito.