Magtatapat sina Karl Matthew “Karl” Baldovino ng T1 at Abed Azel “Abed” Yusop ng Evil Geniuses, dalawa sa pinakamagagaling na Filipino mid lane players, sa lower bracket finals ng WePlay AniMajor ngayong Linggo ng gabi.

Nakasalalay sa best-of-three laglagan sa pagitan ng pambato ng Southeast Asia at koponan mula North America ang huling slot para sa grand finals ng huling Major tournament ng 2021 Dota Pro Circuit kontra PSG.LGD ng China.

Karl vs Abed: Ang (maikling) alamat ng dalawang kilabot sa mid lane

Bago pa hangaan ng buong mundo, matagal nang kilabot sa mid lane ang dalawang manlalaro sa Pilipinas.

Notorious ang Puck ni Karl, na kilala rin bilang Santino, simula pa noong kanyang araw sa Pacific Revitalize, isa sa mga bantog na koponan noong Warcraft III: DotA era sa Pilipinas. 

Hanggang sa pagputok ng Dota 2 bilang isa sa pinakamalaking esports titles sa mundo, patuloy na pinapatunayan ni Karl na kabilang siya sa listahan ng mga pinakamahuhusay gumamit ng Puck.

Hindi man agad tumatak ang kanyang pangalan sa international scene sa kabila ng oras niya sa mga koponan katulad ng Execration at Geek Fam, sinigurado ng 22-taong-gulang na player na hindi na malilimot ang kanyang pangalan pagpasok sa T1.

Samantala, sa isa pang high skill-cap na hero rin naunang napansin ang tikas ni Abed. Saksi ang Seattle, USA sa kanyang Meepo performance na naging salarin sa pagkakalaglag ng compLexity Gaming sa Wild Card stage ng The International 2016.

Nagtuloy-tuloy na ang karera ng Pinoy midlaner simula noon. Bago pa man makuha ng tanyag na North American esports organization, nasubukan din ni Abed na maglaro para sa Digital Chaos at Fnatic.

Bagamat sigurado na ang parehong manlalaro na makadadalo sa The International 10, mahalaga ang magiging harapan ni Karl at Abed mamaya dahil dito nakasalalay ang kanilang unang Major championship title.


Nakasa ang pagtatagpo ng dalawang kilalang Filipino midlaner nang malaglag ang T1 sa lower bracket matapos ang mabigo kontra PSG.LGD sa upper bracket finals.

Samantala, patuloy naman ang paggapang ng Evil Geniuses sa lower bracket matapos ilaglag ang TNC Predator, Team Nigma, at Vici Gaming.

Magse-settle sa ikatlong puwesto ang matatalong koponan sa best-of-three serye, at maguuwi ng $75,000 cash prize mula sa $500,000 prize pool.

Mapapanood ang official Filipino broadcast ng T1 vs Evil Geniuses sa WePlay AniMajor sa YouTube at Facebook page ni KuyaNic.