Muling pinatunayan ng Sentinels na sila ang pinakamahusay sa North America matapos maging unang squad na nag-qualify para sa VCT Masters 2 tournament.

Nangibabaw ang North American powerhouse sa Upper Bracket ng NA Stage 2 Challengers Finals matapos talunin ang mga pinakamatitibay na teams sa tournament.

Unang tinalo ng Sentinels ang up-and-coming squad na Version1 sa Upper Bracket Quarterfinals sa score na 2-1. Sumunod naman ay pinababa nila sa losers bracket ang kanilang rival squad na 100 Thieves sa isa na naming 2-1 na panalo.

Sa upper bracket finals, tinalo ng Sentinels ang Cloud9 kung saan nagpasikat sina Hunter “SicK” Mims at ang kanilang superstar stand-in na si Tyson “TenZ” Ngo. Mainit ang simula ng dalawa kung saan pumipitas sila ng Aces sa unang 8 rounds ng series.

Si TenZ ang MVP ng Game 1 sa Haven na may 19/16/7 record, siya rin ang may pinakamataas na ACS score na 244.

Galit na sumagot ang Cloud9 sa sumunod na game kung saan dinurog nila ang Sentinels sa Split sa score na 13-1.

Ang batang duelist specialist ng team, na si Nathan “leaf” Orf, at Korean import player na si Son “xeta” Seon-ho ang nagpahirap sa Sentinels sa halos lahat ng round. Natapos si xeta na may 15/5/13 KDA, habang si leaf naman ang may pinakamataas na ACS score na 358.

Ang huling game ng series ay sa Icebox, kung saan mukhang pantay na pantay ang laban na may halftime score na 6-6.

Matapos ang break, nanalo ang Sentinels ng pitong sunod-sunod na rounds bilang mga attackers, para masiguro na sila ang lilipad patungong Reykjavik, Iceland.

Ang Sentinels ang unang team na nag-qualify para sa VCT Masters 2, ang magiging kauna-unahang major international LAN competition sa kasaysayan ng Valorant. Maliban sa Sentinels, tanging ang Team Liquid at Fnatic pa lamang mula sa Europe, Middle East, at Africa (EMEA) ang nag-qualify para sa tournament.

Ang VCT Masters 2 Reykjavík, Iceland, ay gaganapin sa May 24 hanggang 30, kung saan maglalaro ang sampung pinakamagagaling na teams mula sa North America, EMEA, Korea, Brazil, Latin America, Japan, and Southeast Asia.