Ang X10 Esports ng Thailand ang representative ng Southeast Asia sa darating na VCT Stage 2 Masters tournament na gaganapin sa Reykjavík, Iceland.

X10 Esports ang may pinakamagandang run sa VCT SEA Stage 2 Challengers Finals. Ipinanalo nila ang lahat ng matches nila mula sa upper bracket quarterfinals, hanggang sa grand finals.

Tinalo ng X10 Esports ang Taiwanese team na CBT Gaming, ang Filipino squad na 6045 Pirates, pati na rin ang Singapore-based team na Paper Rex na naghatid sa kanila sa grand finals, kung saan tinalo nila ang mahigpit nilang katunggali at kapwa nila Thai na FULL SENSE.

Mahusay ang ipinakita ng team sa unang laban sa Ascent. Nakipagpalitan ng panalo ang FULL SENSE hanggang bago matapos ang first half. Ngunit matapos maka-Ace si Patiphan “Patiphan” Chaiwong sa pang-siyam na round, nagtuloy-tuloy na ito hanggang matapos ang game para makuha ng X10 ang lamang sa score na 1-0.

Sa game 2 sa Icebox, nangunang lumamang ang X10 sa score na 10-2 sa halftime. Buong tapang na pumalag ang FULL SENSE at ipinanalo ang sumunod na walong rounds na muntik na magresulta sa isang matinding comeback.

Sa kasamaang palad para sa FULL SENSE, umiral na naman ang husay ni Patiphan at nakapitas sya ng apat na kalaban gamit ang Blade Storm ni Jett para tapusin ang game 2.

Mukhang tapos na ang laban nang lumamang ang X10 ng 8-4 sa game 3 sa Bind. Pero hindi nagpatalo ang FULL SENSE ang kinuha nila ang match sa score na 15-13 sa overtime.

Matapos ang match, sinabi ni Kititkawin “PTC” Rattanasukol ng FULL SENSE na Bind ang paborito nilang mapa. Ito ang dahilang kaya alam nilang kaya nilang manalo kahit pa dehado sila.

Tulad ng mga naunang games, maagang kinuha ng X10 ang lamang sa score na 8-4.

Pero sa pagkakataong ito, di na binigyan ng X10 ng pagkakataong huminga ang FULL SENSE, tinapos nila ang laban sa 13-9. Nangibabaw sa Haven ang controller main ng X10 na si Nutchapon “sScary” Matarat na may KDA na 25/14/7.

Dahil sa pagkakapanalo ng X10 sa VCT SEA Stage 2 Challengers Finals, kabilang na sila sa mga pinakamahuhusay na Valorant teams mula sa iba’t ibang panig ng mundo na maglalaban-laban sa Masters 2 sa Reykjavík, Iceland.

Nang tanungin ang X10 kung sino sa mga teams ang nasasabik silang makalaban, sumagot si Thanamethk “Crws” Mahatthananuyut na gusto nilang makaharap ang North America squad na Sentinels.

“It’s because a lot of people say they’re the best team, and we believe we can put up a good fight against them,” sabi ni Crws.

Kasama ng X10 ang Sentinels at Version1 ng North America, Team Liquid at Fnatic ng Europe, NUTURN Gaming ng Korea, at Crazy Raccoon ng Japan bilang mga unang teams na nag-qualify para sa Reykjavík, Iceland.

Ang VCT Masters 2 ay gaganapin sa May 24 hanggang 30.