Marami ang napabilib sa ganda ng ipinakita ng bagong miyembro ng Bren Epro na si Lance “SideStepLance” Yulo sa Day 1 ng The Nationals Pro League Season 3 Tekken 7 Conference.

Unang nakalaban ni SideStepLance ang kanyang kapwa draftee na si Jassen “JS5N” Capuyan ng Laus PlayBook Esports. Balikatan ang laban sa unang bahagi ng Game 1 nang ilabas ni JS5N ang kanyang main na King laban sa Lee ni SideStepLance. Muntik nang makuha ni JS5N ang game sa round 4 nang bigla syang nagpakawala ng isang Hail Mary Rage Art sa kalagitnaan ng opensa ni SideStepLance, nasalag ito ni SideStepLance at na-punish ng Acid Storm at pinaabot ang game sa final round. Sa huling round, naging agresibo si SideStepLance nang madala nya ang kalaban papunta sa wall, tinapos nya ang round sa loob ng 19 seconds.

Sa Game 2, nagpalit ng character si JS5N at pinili nya si Kunimitsu. Nakuha nya ang unang round at mukhang naging effective ang character switch, subalit agad pinutol ni SideStepLance ang momentum ng ninja nang kunin nya ang dalawang sumunod na rounds. Makukuha na sana ni JS5N ang round 4 pero biglang nagbato si SideStepLance ng Catapault Kick to Rocket Heel combo para tapusin ang match sa score na 2-0.

Mainit pa mula sa pagkakapanalo sa kanyang unang match, hinarap ni SideStepLance ang isa pang kapwa draftee na si Joachim “Gold Standard” Fuentes ng STI E-Olympians. Ramdam ang kumpyansa sa laro ni SideStepLance laban sa Leo ni Gold Standard, at mas napatunayan ito nang tapusin nya ang Game 1 sa round 3 ng isang Laser Edge Kick.

Mapapansin na mas maingat ang naging diskarte ni SideStepLance sa Game 2, pero nagiging agresibo pa rin sya pag alam nyang sya ang lamang. Tulad ng naunang game, tinapos nya sa round 3 ang laban nang nag-counter hit ang kanyang Spinning Hammer Kick. Muli ay nakakuha sya ng 2-0 na panalo na nagresulta sa unang Double No Round Brown ng Season 3.

Tekken Standaing sa unang araw ng The Nationals S3
Credit: The Nationals

Dahil wala syang talo, kasalukuyang nangunguna si SideStepLance sa Player Standings na may 6 points.

Maganda ang unang araw ni SideStepLance sa The Nationals, paniguradong magbibigay ito sa kanya ng confidence para sa mga susunod nyang laban at magsisilbing inspiration para mas lalo syang magpursigi.

Mapapanood ng live ang The Nationals Tekken 7 Pro League Season 3 tuwing Miyerkules, Huwebes, Sabado, at Linggo sa The Nationals Facebook page.