Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Kairi “Kairi” Rayosdelsol na ipaaalam sa mundo na “The future is here”.

At pambihira naman talaga ang ipinamalas ng dati ay binansagang “The Future”.

Walang kakaba-kaba ang ONIC Philippines prodigy na pinatunayan ang kaniyang husay sa jungle position, taliwas sa mid lane position na nakasanyan na ng Mobile Legends fans.

Tinulungan ni ONIC PH Kairi na iselyo ng kaniyang team ang 2-0 win-loss record para hiranging 2nd placer sa standings matapos ang Week 1 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 8.


Pinatikim ni ONIC PH Kairi ang ECHO at Smart Omega

Kakaibang gigil ang ipinakita ni ONIC PH Kairi sa Season 8 opener kontra sa bigating team na ECHO.

Epektibong Ling gameplay ang isinalang ng superstar sa debut niya bilang core player na pumugak sa mga sidelanes para magbigay daan sa ONIC PH panalo. Sa game 2 naman, ipinamalas ni Kairi ang bangis ng kaniyang Harley na nagtala ng malinis na 6/0/1 KDA para sa MVP gantimpala.

Screenshot ni Calvin Trilles / ONE Esports PH

Ling pa rin ni Kairi ang sumalubong sa MSC 2021 Grand Champions na ngayon ay bumabandera na para sa Smart Omega.

Screenshot ni Calvin Trilles / ONE Esports PH

Susi ang batang star sa split push strat na inilatag ng ONIC para sa Game 1 panalo. Kalaunan ay nadismaya nila ang OMG debut sa 2-1 series win.


Planado na ni Coach Yeb na isalang sa jungle si Kairi

Maraming fans ang nagulat sa paglipat ni ONIC PH Kairi mula sa kaniyang orihinal na midlaner position. Gayunpaman, mas marami ang nasabik sa ipinakita at kaya pang ipakita ng superstar.

Sa isang panayam kasama ng ONE Esports, ipinaliwanag ni Coach Denver “Yeb” Miranda na matagal na niyang plano na iposisyon si Kairi bilang core player ng kupunan.

Aniya, dahil sa multi-role player ang isa pa niyang star player na si Jaylord “Hatred” Gonzales, maaari itong punan ang Gold lane habang dinodomina ng kapwa niya star ang jungle.

Sa tanong kung si ONIC PH Kairi na ba ang bababad sa jungler role, hinimok na Coach Yeb ang fans na antabayanan ang mga susunod nilang gagawin. “Abangan natin kung sino [players] maglalaro every game namen.”

Subaybayan ang mga kaganapan sa MPL PH Season 8 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!