Nagbabalik ang dating Ch4knu!

Patuloy ang panalo ng Execration matapos ang 2-1 victory laban sa AURA PH sa huling linggo ng MPL PH Season 7.

Bagamat ginawa ng bawat isa sa Execration ang kanilang parte para makuha ang reverse sweep, naging malaking factor dito ang signature Grock pick ng roaming player na si Joshua “Ch4knu” Mangilog.

Ang estado ni Grock sa kasalukuyang meta

Dating priority pick sa pro scene si Grock, at si Ch4knu ang isa sa mga pinakamatitikas na Grock user sa liga. Sa kasamaang palad, nawala sa meta ang hero dahil sa mga tinamong nerfs.

Sa ngayon, meron lamang 9 wins sa 21 beses na na-pick si Grock ngayong season. Malayong-malayo sa Grock ng mga nakaraang season, kung saan halos siguradong lamang ang mag-pick sa kanya, kahit ano pang scenario.

Paano nangibabaw ang Grock ni Chaknu

Matapos manalo sa Game 2, nakakuha ng momentum ang Execration papasok ng Game 3, lalo na nang ma-secure nila ang mga comfort picks nina Renz “Renzio” Cadua na Paquito at Patrick “E2MAX” Caidic na Selena.

Agresibo sa early games sina Ch4knu at E2MAX, na nag-invade ng jungle ng AURA PH, kung kaya’t napigilan ang Ling ni Mark “LORD HADESS” Lazaro na makakuha ng bwelo.

Ang maagang pagsalakay ni Ch4knu ang nagbigay daan para madaling makapag-secure ng objectives ang Execration at manalo sa mga team fights kahit lamang ang kalaban.

Masyadong mataas ang pressure para sa former S4 at S5 champions, at tuluyang bumigay ang AURA PH sa Execration sa loob ng 14 minutes.

Natapos si Ch4knu na may KDA na 2/0/12, at muli nyang pinatunayan na sya pa rin ang isa sa pinakamalakas na tank sa liga. Inuwi ni E2MAX ang MVP sa solidong performance na 8/2/7 ng kanyang Selena, dahil sa mga napadapo nyang Abyssal Arrows sa buong game.

Haharapin ng Execration ang ONIC Philippines sa unang round ng lower bracket playoffs sa May 27, Huwebes.