Bininyagan ng Bren Esports ng unang talo ang Blacklist International sa ikaapat na lingo ng MPL PH Season 7 matapos ang kanilang madugong pagtutuos, patunay na hindi basta-basta ang M2 World Champions.

Marami nang teams ang sumubok i-decode ang Blacklist International – walang nakagawa nito maliban sa Bren matapos ang matagumpay na reverse sweep salamat sa sunod-sunod na clutch plays sa game two, at sa epektibong draft ng game three.

Matapos matalo sa game one, gumamit ng matinding crowd control team composition ang Bren para makabawi sa game two.

Sa simula, nakakuha ng magandang bwelo ang Blacklist International sa tulong ng Nice One, Baby strategy kung saan si Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna ay gumamit ng Estes at si Danerie “Wise” Del Rosario naman ay gumamit ng Granger.

Sa katunayan, muntik nang manalo ang Blacklist International, 21 minutes sa game ay inaatake na nila ang base ng Bren Esports.

Yun nga lang, apat na myembro ng Blacklist International ang tinamaan ng isang clutch Kupa, Help! mula kay Allan “Lusty” Castromayor. Dahil dito, na-wipeout ng Bren Esports ang kalabang team. Kinuha nila ang panalo sa pamamagitan ng isang mid lane tower push.

Sa game three, pumili ang Bren Esports ng tanky duo, Baxia at Uranus, para tapatan ang Angela at Roger ng Blacklist International.

Nangibabaw ang reigning champion sa kabuuan ng laban, hindi na nila binigyan ng tsansa na maka-comeback ang Blacklist International.Tinapos ng Bren Esports ang laban sa loob ng 17 minutes na may 14-5 kill score.

Sa kanilang post-match press conference, sinabi ni Bren Esports coach Francis “Duckey” Glindro na outdrafted ang Blacklist International sa deciding game three.

“I don’t know why they didn’t stick with the Granger pick because they were successful with that hero,” sabi nya.

Sinabi rin ni Duckey na may napansin sya sa kung paano mag-draft ang Blacklist International, palagi nilang inuuna ang mga hero ni OHEB sa first phase.

“When OHEB finds the right rhythm, his team usually dominates. So we just thought that he would be our choice of ban in the game,” sabi ni Duckey.

Sa kabila ng mga biro, pinuri ni Duckey ang Blacklist International para sa magandang laban, “I think they have a really good chance at winning the tournament, though we won’t let that happen.”

Dahil sa panalong ‘to, pantay na sa pwesto ang Bren Esports at Aura Philippines sa Group A na parehong may 14 points. Nangunguna pa rin sa Group B ang Blacklist International na may 7-1 record at 19 points.