Ilang linggo pa bago opisyal na buksan ang MPL Philippines Season 8 (MPL PH S8) at marami nang fans ang hindi na makapaghintay para sa bakbakang magaganap dito.

Kaya naman hindi masamang maghanap ng alternatibong pagkakaabalahan na magbibigay ng parehong lebel ng aksyon at linamnam ng istorya habang nag-aabang sa pagsisimula nito. 

Hindi maitatanggi na isa ang panonood ng anime sa mga aktibidad na makakapagtawid sa mga fans ng laro. Gaya ng Mobile Legends, presko din ang character designs ng mga anime at kaaya-aya ang kanilang mga kwento. Ang pagkakahawig ng mga elementong ito ang dahilan kung bakit maraming fans ng MLBB ang fans din ng anime.

Sa katunayan nga, marami ring pro players sa MPL ang diehard na otakus. Nariyan ang jungler ng Blacklist International na si Danerie “Wise” Del Rosario. Nariyan din si Setsuna “Akosi Dogie” Ignacio ng Nexplay EVOS.

Kaya kung ikaw ay naiinip na, heto ang ilan sa mga animes na sa tingin namin ay maaaring makatulong sayong maitawid ang natitirang mga linggo:


Animes that are worth watching before MPL PH S8 starts

Jujutus Kaisen

Credit: MAPPA

Ang Jujutsu Kaisen ang pinakabago at pinakamagandang shonen sa ngayon. Nakasentro ang istorya sa isang high school estudyante na si Yuji Itadori na nakipagsapalaran sa mundo ng cursed energy.

Matapos aksidenteng buksan ang cursed finger talisman, nakipagtambalan si Yuji sa Jujutsu sorcerer na si Megumi Fushiguro para labanan ang mga sumpa na pumapalibot sa spiritual item.

Noong hindi sila nagtagumpay dito, padalus-dalos na nilunok ni Yuji ang finger talisman para masagip ang kaniyang sarili kasama ng kaniyang mga kaibigan mula sa panganib. Kapalit nito, nagkatawang-lupa sa pamamagitan ni Yuji ang King of Curses na si Ryomen Sukuna.

Kasama ng makabag-damdaming galawan ng mga karakter at ang kanilang mga kakatawang interaksyon, siguradong magiging patok ang Jujusu Kaisen sa mga MLBB fans.


The Disastrous Life of Saiki K.

Credit: J.C. Staff

Pagod na din ba kayo sa mga 100 episode na story arcs at nakakalitong background story? Kung gayon, panoorin ang  nakakaaliw na anime na Disastrous Life of Saiki K.

Susundan ng mga manonood ang buhay ni Saiki Kusuo, isang pambihirang high school student na ipinanganak na may psychic powers. Kahit pa nakababasa siya ng pag-iisip ng iba at nakagagamit ng telekinesis, sinusubukan ni Kusuo na mabuhay ng normal at iwasan gamitin ang kaniyang kapangyarihan liban na lamang kung kinakailangan.

Tatlong seasons na ang nailabas at tiyak na matitipuhan ng MLBB fans ang komedya ng mga karakter sa Disastrous Life of Saiki K.


Trese

Credit: BASE Entertainment

Hindi na bago sa pandinig ng mga Pinoy MLBB fans ang Trese ng Netflix dahil napakatunog nito sa social media.

Kung hindi pa napapanood ay mainam na masimulan na agad ito. Tampok sa palabas ang buhay ni Alexandra Trese na isang detective na dalubhasa sa supernatural na krimen. Siya ang tinaguriang Babaylan-Mandirigma, ang gabay ng Manila.

Kasama ang kambal na sina Crispin at Basilio, nakipagsapalaran si Trese sa madilim na mundo ng Maynila na inilahad sa anim na episodes.