Natural Miracle- counter since 2016.

Iyan ang ibinansag ng TNC Predator sa kanilang sarili matapos nilang talunin ang Team Nigma, 2-0, para isara ang ikalawang araw ng WePlay AniMajor group stage nang may apat na sunod-sunod na panalo.

Pinaganda ng performance na ito ang win-loss record ng Pinoy team mula sa 1-3 noong unang araw ng nasabing tournament phase, dahil sa talo kontra Evil Geniuses at tabla laban sa Vici Gaming, na ngayon ay 5-3 na.

Phantom Assassin ni Gabbi, naka-Rampage vs beastcoast

Sinimulan ng mga Phoenix ang pagbangon kontra beastcoast. Walang pinakitang bakas ng mga pagkakatalo noong nagdaang araw matapos buksan ng koponan ang best-of-two series sa pamamagitan ng 26-3 kill difference na panalo.

Bahagyang naging pahirap ang Mars ni Adrián “Wisper” Céspedes Dobles sa Ursa ni Kim “Gabbi” Villafuerte noong laning stage. Ngunit matapos ang unang walong minuto ng laro, lumabas na iyon lang pala ang tanging hibla ng kalamangan na ipatitikim ng TNC sa kanilang mga kalaban.

Pina-GG ng mga Pinoy ang mga delegado ng South America matapos ang 29-minuto. Tinapos naman ni Gabbi ang laro nang hindi napuputol ang kanyang Beyond Godlike kill streak matapos magtala ng 11/0/12 na kill-death-assist scoreline.

Ursa ni TNC Predator Gabbi
Screenshot mula sa WePlay AniMajor

Parehong tikas ang pinakita ng TNC sa ikalawang mapa ng serye. Nagbunga ang last pick Phantom Assassin pick ng koponan kontra sa Faceless Void at Monkey King ng beastcoast na panay physical damage.

Bamagat may iilang team fights na TNC ang lumalabas na dehado, hindi ito naging sapat para makatikim ng makahulugang kalamangan ang kanilang kalaban. Nagawang nilang iselyo ang panalo matapos magwala ang PA ni Gabbi bandang 24-minuto ng laro.

42 segundo na lang ang kinailangan ng TNC matapos ang nasabing six-man wipe out para basagin ang base ng kanilang kalaban at isarado ang 2-0 panalo. Bukod sa Rampage, ang 22-taong-gulang na carry din ang nagtala ng game-high, net worth, last hit, gold per minute, experience per minute, damage dealt, at building damage.

TNC Predator, ang natural Miracle- counter

Walang makalilimot sa labang pinamagatang “the greatest upset in the history of Dota 2” sa pagitan ng noong two-time Major winner na OG at TNC Pro Team sa The International 2016.

Halos wala pang makaka-alma sa pagiging pinakamagaling na midlaner noon ni Amer “Miracle-” Al-Barkawi, kung hindi pa sila nilaglag ng mga Pinoy noon sa tulong ng maalamat na Filipino Huskar.

Marahil dito at sa katunayang muling tinalo ng TNC Predator ang koponan ni Miracle- kaya nila natawag ang sarili nilang “natural counter” sa tanyag na manlalaro. 

TNC natural Miracle counter since 2016

Posted by TNC Pro Team – Dota2 on Saturday, June 5, 2021

Pero posibleng dahilan din ang bugso ng damdamin. Sa parehong mapa kasi ng serye, sa kumpas ng Team Nigma lang nakikisayaw ang TNC. Inaagaw lang nila ang baton sa bandang dulo ng laro kung kelan mas mabigat na ang pinsala ng bawat kamalian.

Umabot na sa halos anim na libo ang lamang ng Team Nigma sa net worth bago mapako ng dieback na ito ni Miracle- ang comeback ng TNC Predator sa unang mapa ng serye. Halos ganito rin ang tono ng sumunod na mapa, kung saan ang huling tatlong minuto lang ng laro ang kinailangan ng koponan para ipako ang panalo mula sa pagkakadehado.

Matatandang sa kamay ng Team Nigma nalaglag ang Execration noong wild card stage ng WePlay Major. Pero sa muling pakikipagharap ng ikalawang wild card winner sa isa pang delegado ng Pilipinas, sinigurado ng mga ito na iparanas din sa kanila ang pakiramdam na ma-2-0.


Nasa four-way tie ngayon ang TNC Predator, Evil Geniuses, Vici Gaming, at Team Nigma para sa ikalawang pwesto ng standings sa group stage.

Susubukang ungusan ng mga Phoenix ang mga katabla nila sa pagpapatuloy ng kanilang kampanya mamayang gabi kontra PSG.LGD ng China at Team Liquid ng Western Europe. 

Mapapanood ang official Filipino broadcast ng WePlay AniMajor sa YouTube at Facebook page ni KuyaNic.