Sa paparating na Oktubre na gaganapin ang The International 10 ayon sa anunsyo ng Valve na inilathala umaga ng ika-walo ng Hulyo.

Tatakbo ang group stage ng TI10 simula ika-pito ng Oktubre hanggang ika-10. Magsisimula naman ang Main Event sa ika-12 at ang huling bakbakan para sa Aegis of Champions ay mangyayari sa ika-17.

TI10 ililipat sa Romania

TI10 Venue: Arena Nationala; Bucharest, Romania
Credit: Wykrhm Reddy

Ibinunyag din ang bagong venue ng turneo na gaganapin sa Arena Națională, ang pinakamalaking stadium sa bansa ng Romania.

Dagdag ni Valve, maglalabas din daw sila ng karagdagang impormasyon ukol sa bentahan ng tiket—pahiwatig na tatanggap ng live audience ang TI10.

“We are grateful for the partnership we have formed with Romania and the city of Bucharest, and very much look forward to gathering with the global Dota 2 community, both in-person and virtually, to celebrate the elite players and amazing fandom at The International,” sulat ng Valve.

Sa loob ng higit isang taon, walang Dota 2 tournament, na may basbas ni Valve, ang ginanap na may live audience dahil sa banta ng COVID-19.


Dota 2 TI10
Credit: Valve

Matatandaang sa susunod na buwan na sana gaganapin ang taunang Dota 2 championship sa Sweden, ngunit kinailangan itong ilipat ng lugar at ma-reschedule matapos tumanggi ang Swedish Sports Federation na kilalanin ang esports.

18 koponan ang maglalaban-laban para sa prestihiyosong pagkilala at pinakamalaking bahagi ng $40 million prize pool, ang pinakamalaking perang papremyo sa kasaysayan ng esports.

Samantala, patuloy pa rin ang pagkumpleto sa mga nasabing kalahok. Dalawa pang koponan mula regional qualifiers ng China at Western Europe ang hinihintay upang mabuo ito.