Team Spirit ang kumuha sa huling tiket ng Eastern Europe para sa The International 10 sa kabila ng pagpapakitang-gilas ng kanilang offlaner na si Magomed “Collapse” Khalivov.

Hindi natinag mula sa upper bracket ang koponan na nagtala ng perpektong 4-0 win-loss series record na tinuldukan ng 3-2 tagumpay kontra Team Empire sa grand finals ng nasabing qualifier.

Ang mga game-changing initiation ni Collapse

Pumasok ang Team Spirit sa ika-apat na mapa ng serye nang may banta sa kanilang pagkakataong makapasok sa pinakamalaking Dota 2 tournament ngayong taon.

Umabot nang higit 20-minuto ang laban nang walang koponan ang tuluyang nakakakuha ng kalamangan, hanggang mahuli ni Collapse ang lahat ng miyembro ng Team Empire sa kanyang Arena of Blood.

Naging mitsa ang pagkakapitas sa Phantom Lancer, Timbersaw, Enchantress, at Treant Protector ng kalaban upang magtala ng malaking kalamangan na kanilang ginamit bilang hakbang upang maitabla ang serye.

Sa do-or-die na mapa, bilang Axe naman bumida ang Russian offlaner. Naging suki ng Berserker’s Call ang kalabang Spectre ni Alexey “Smiling Knight” Sviridov, na nahuli nang pitong beses, kabilang na sa crucial na team fight na ‘to.

Bukod sa mga malulupit na initiation, nagtala rin ang 19-taong-gulang na manlalaro ng limang kills at 10 assists nang hindi namamatay sa huling mapa ng serye.

Ibinida rin ng kanyang koponan ang bilis ng kanyang Axe, na umi-score ng 726 gold-per-minute, na mag-farm.

Team Spirit Collapse Axe
Credit: Team Spirit

Team Spirit, Virtus.pro, mga pambato ng Eastern Europe

Dahil sa kanilang panalo, masasamahan ng Team Spirit ang Virtus.pro upang maging kinatawan ng Eastern Europe sa paparating na The International.

Roster ng Team Spirit para sa The International 10

  • Illya “Yatoro” Mulyarchuk
  • Alexander “TORONTOTOKYO” Khertek
  • Magomed “Collapse” Khalilov
  • Miroslaw “Miroslaw” Kolpakov
  • Yaroslav “Miposhka” Naidenov (kapitan)

Ang The International 10 ay nakatakdang ganapin simula ika-5 ng Agosto. Bukod sa Aegis of Champions, paglalabanan din ng 18 pinakamagagaling na koponan sa buong mundo ang pinakamalaking bahagi ng US$40 million prize pool.