Selyado na ng T1 hindi lang ang ika-anim na puwesto sa WePlay AniMajor kung hindi pati na rin ang kanilang imbitasyon sa The International 10 matapos nilang talunin ang Team Aster, 2-0, sa unang round ng upper bracket playoffs.

Pumasok ang mga kinatawan ng Southeast Asia sa best-of-three serye na panig ang mga panelist sa kampeon ng Dota Pro Circuit 2021: Season 2 – China Upper Division, bagay na mariin nilang pinabulaanan salamat sa pangunguna ni Carlo “Kuku” Palad.

T1 wagi kontra Aster sa unang round ng upper bracket playoffs

Tila minaliit ng Team Aster ang kakayanan ni Master Kuku na magmando ng isang Broodmother sa unang mapa ng serye. Pinagbayaran naman ito ng delegado ng China matapos baugin ng Filipino offlaner, sa tulong ng Enchantress ni Kenny “Xepher” Deo, ang Terrorblade ni Du “Monet” Peng at Nyx Assassin ni Zhand “LaNm” Zhicheng sa top lane.

Dahil sa kanilang panalo sa laning phase, maagang nakapagtala ng kalamangan ang Radiant. Umabot ng 5-0 ang kill score bago mapitas ang Dragon Knight ni Karl “Karl” Jayme bandang 11-minuto. Hindi na binatawan ang T1 ang kontrol sa laro hanggang sa mapa-GG ang Aster bandang 33-minuto ng laban.

Credit: WePlay AniMajor

Nagawang ipagpatuloy ng T1 ang malinis nilang galawan sa ikalawang mapa ng serye. Bigo ulit makabwelo ang Medusa ni Monet sa laning phase at hindi rin masulit ng buong koponan ang paggamit ni Liu “White丶Album_白学家” Yuhao ng Exorcism sa kanyang Death Prophet.

Dahil dito, ang kampeon ng Dota Pro Circuit 2021: Season 2 – Southeast Asia Upper Division muli ang nagdikta ng tsempo ng laro. Tuluyang naipako ng T1 ang panalo bandang 21-minuto ng laban sa tulong ng isang Reverse Polarity ni Karl na humili sa carry at mid ng Aster.

Tinapos ni Nuengnara “23savage” Teeramahanon ang 24-minutong laro na may anim na kills, limang assists, at wala kahit isang death. Siya rin ang nagtala ng pinakamataas na networth, last hit, gold-per-minute, at building damage.

Dahil sa panalong ito, selyado na para sa T1 ang 5th-6th place na resulta sa sa ikalawang Major tournament ng 2021 Dota Pro Circuit at isa sa 12 slots sa The International.

T1, unang kinatawan ng SEA sa TI 10

Dahil sa dagdag 300 Dota Pro Circuit points na nakuha ng T1 sa kanilang panalo, sila na ang ikalimang koponan na siguradong makalilipad sa Stockholm, Sweden sa Agosto para maglaro sa pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon.

Aminado ang T1 na alam nilang isang serye ng panalo lang ang kanilang kailangan upang makamit ito. Ngunit ayon sa kapitan ng koponan na si Kuku, mas pinagtuunan nila ng pansin ang bawat mapang lalaruin nila sa Kyiv.

https://www.facebook.com/T1Dota2/posts/154088646742142?__cft__[0]=AZW1RkbU9BYpds8Mh9m6aHcGWgxMPPrAH5FX1mDsGHU4hWqO6uGKTo7o43j7MRIrCwLIhCcoh7F6JFWO1eqk4M3toCztfQCEV1up2zDuooiHW2EV3p5zQseGx4NfHqR8Mk0jhGWxsAT9pOMKqnIC73dT&__tn__=%2CO%2CP-R

Sa ngayon, tanging Evil Geniuses, Virtus.pro, Invictus Gaming, Team Secret, at T1 pa lang ang siguradong makadadalo sa The International 10. Nagbabadya silang sundan ng PSG.LGD, Alliance, at Quincy Crew bago matapos ang unang araw ng WePlay AniMajor playoffs.

Buhay pa rin ang tsansang madagdagan pa ang mga pambato direct invitee mula Southeast Asia kung magtatapos ang kampanya ng TNC Predator sa palarong ito sa at least ikalawang puwesto.


Samantala, nakatakdang harapin ng all-Filipino lineup ng TNC Predator ang Team Aster bukas, Hunyo 10.

Mapapanood ang official Filipino broadcast ng WePlay AniMajor sa YouTube at Facebook page ni KuyaNic.