Malaki ang naging ambag ng Chen ni Johan “N0tail” Sundstein sa pagkapanalo ng OG kontra Team Nigma, 2-1, sa ikalawang round ng upper bracket ng The International 10 Western Europe qualifier.

Sa unang pagkakataon sa regional qualifiers ng taunang Dota 2 championship, inilabas ng two-time Aegis of Champions bearer ang micro-intensive na support hero. Limang beses pa lang napi-pick si Chen sa kasalukuyang patch bago ang labang ito dahil sa paniniwalang hindi ito pasok sa meta.

Paano ginamit ng OG ang Chen kontra Team Nigma

Chen Dota 2
Credit: Valve

Wala sa mga pumapalong hard carry katulad nina Terrorblade, Spectre, Arc Warden, o Medusa ang ipinares ng OG sa kanilang Chen. Sa halip, nag-draft ang koponan sa unang mapa ng mga pang balugbugan na cores gaya ng Axe ni Sébastien “Ceb” Debs, Pangolier ni Topias Miikka “Topson” Taavitsainen, at Leshrac ni Syed Sumail “SumaiL” Hassan.

Sa mga bakabakan, presensya pa lang ni N0tail ay malaking ambag na para sa kanyang koponan. Makikita ang kanyang Chen sa isang team fight, bandang 18-minuto ng laro, bitbit ang Alpha Wolf, na may aura na nagdadagdag ng 30% attack damage bonus sa mga kakampi, at Hellbear, na may aura na nagbibigay ng dagdag 10% magic resistance sa mga hero.

Tinapos ang OG ang mapang ito sa loob ng 34-minuto nang may higit kalahating kalamangan sa kill score. Si N0tail ang nagtala ng game-high 24 assist, game-high 14 kills naman ang ambag ni Ceb, at game-high 44k hero damage at 16.6k hero damage para kay SumaiL.

Bagamat napwersa ng nina Kuro “KuroKy” Salehi Takhasomi ang rubber match matapos ma-etsa-puwera ang Chen sa ikalawang mapa, muling sinandalan ng OG ang hero upang maselyo ang serye.

Halos parehong pangbalugbugang Strength cores ang lumabas sa draft ng koponan—Magnus para kay SumaiL, Pangolier ulit para kay Topson, at Beastmaster, na madalang na lang pillin sa ngayon, para kay Ceb.

Na-utilize din ni N0tail ang kanyang galing sa pag-micro para magamit ang kanyang controlled units pang-stack ng mga Neutral Camps. Madaling naka-ipon ng pang Black King Bar si SumaiL dahil dito, na nakatulong kontra Lion ni KuroKy at Ravage ng Tidehunter ni Ivan Borislavov “MinD_ContRoL” Ivanov.

Credit: OG

Gaya sa unang mapa, ang ‘Zoo strategy’ sa tulong Holy Persuasion pa rin ang pang-ambag ng Chen. Nakita rin ang manlalaro na may biyabit na Ogre Frostmage, isang neutral creep na may active ability na Ice Armor na nagbibigay ng dagdag armor sa mga kakampi at attack at movement speed slow sa mga kalaban. Ginamit nila ito upang tablahin ang armor reduction mula sa Anchor Smash at 13-minute Desolator ng Templar Assassin ni Amer “Miracle-” Al-Barkawi.

Sa isang team fight sa may Roshan pit bandang 24-minuto ng laban, nabaliktad ng OG ang bakabkan sa kabila ng four-man Ravage initiation ni MinD_ContRoL. Maagang napitas si N0tail pero nagawang guluhin ng Primal Roar ni Ceb ang puwestuhan ng kalaban matapos matulak sa high ground ang Templar Assassin at Tidehunter ng kalaban.

Naging problema kalaunan para sa Team Nigma ang mga ultimate na tumatagos sa spell immunity, bagay na wala sa kanilang panig. Kahit pa naipanalo nina Miracle-, GH, at iLTW ang kanilang mga lane, wala na silang magawa matapos kunin ng OG ang kalamangan sa ika-25 minuto ng laban.

Ipinako ng OG ang kanilang dalawang-sunod na panalo gamit ang Chen matapos 34 minuto. Si N0tail muli ang nagtala ng game-high 20 assists pati na rin 8.6k hero heal. Nangibabaw din si SumaiL sa pag-score ng siyam na kills at 12 assists nang hindi namamatay.


Sa pagkapanalo ng OG, aabante sila sa upper bracket finals ng qualifier kung saan naghihintay ang Tundra Esports. Nakatakdang ganapin ang bakbakan mamayang ika-11 ng gabi.

Magpapatuloy ang TI10 Western Europe qualifiers hanggang Linggo ng madaling-araw upang malaman kung sino ang huling koponan mula sa rehiyon ang maipapadala sa Bucharest, Romania sa Oktubre para sa TI10.