Mabilis na winalis ng OB Esports x Neon ang Team SMG nang magharap sila sa group stage ng BTS Pro Series Season 7: SEA kagabi salamat sa pagpapakitang-gilas ni Andrei “ctm” Ong bilang Necrophos.

Kilala ang naturang pambato ng Pilipinas sa mga out-of-meta nilang picks. Matapos nilang paganahin ang support Faceless Void noong nakaraan, pinagmuka naman nila ngayong overpowered ang nasabing Intelligence hero na inetsa-puwera lang noong The International 10 regional qualifier.

Paano siniga ni ctm ang SMG gamit ang Necrophos

Necrophos ni ctm sa BTS Pro Series Season 7: SEA
Credit: Neon Esports

Sa parehong mapa ng best-of-two series, nilaan ng OB.Neon ang kanilang last pick para sa hero ni ctm. Bagamat posible rin na hindi lang nirespeto ng Malaysian-based squad ang naturang pick noong ikalawang mapa dahil hindi nga ito sikat sa meta, halatang hindi sila nakapaghanda para dito.

Walang naging problema ang mga Pinoy sa laning phase. Madaling naka-last hit sa bot si ctm at hindi rin problema ang mga pang-harass ng kanyang katapat dahil sa Death Pulse. Inuna niyang buuin ang Boots of Travel upang madaling makapag-rotate at ma-capitalize ang mid game power spike ng kanilang draft.

Muka mang pinagtripan lang ang Luna ni Yeik “MidOne” Nai Zheng sa play na ‘to, inintay lang din talaga ng OB.Neon na mag-cooldown ang Reaper’s Scythe. Malaking bagay ang dagdag sa respawn time para hindi makapag-farm ang carry ng kalaban at maiwasang umabot sa late game ang laban kung saan mas mahina ang kanilang lineup.

Nagsimulang kumatok ang koponan sa high ground ng SMG bandang 30 minuto ng bakbakan. Kahit nag-overextend ang mga Pinoy at na-Skewer ni Damien “kpii” Chok sa loob ng kanilang fountain ang Necrophos ni ctm, nakuha pa rin ng OB.Neon na linisin ang mga ito para mapwersa ang gg call.

Nagtala ng game-high 20 kills at 32,019 damage si ctm sa kanilang panalo. Nag-ambag din ang Clockwerk ni Jaunuel “Jaunuel” Arcilla at Hoodwink ni Mark “Shanks” Redira ng tig-32 assists para buuin ang 49 team kills ng kanilang koponan.

Mas matinding pangbubugbog ang tinamo ng SMG paglapag ng ikalawang mapa. Sinandalan muli ng OB.Neon ang mas mobile at global na heroes gaya ng Nature’s Prophet ni Michael “Enryu” Ladines, Nyx Assassin ni Jaunuel, at Invoker muli ni Jasper “Yopaj” Ferrer para sa mas malakas na pickoff potential pagsapit ng mid game.

Dahil sa lakas mag-push ni Enryu at rotations ng kanyang mga kampi, madaling napaliit ng koponan ang nagagawalawan ng kanilang kalaban. Mas maaga ng 10 minuto sila naka-akyat sa high ground kaya’t natapos nila ang laban sa loob lamang ng 27 minuto.

Sa parehong mapa, bumuo si ctm ng Boots of Travel, para mas madaling makaresponde o makapitas, Sange and Kaya, para sa status resistance at spell lifesteal amplification, tsaka Dagon, para mas madaling makapatay sa ilalim ng Reaper’s Scythe.


Itutuloy ng OB.Neon ang kanilang kampanya sa BTS Pro Series Season 7: SEA sa ika-apat ng Agosto kontra Galaxy Racer at Motivate.Trust Gaming.

Masusubaybayan ang mga bakbakan sa official Twitch channel ng Beyond The Summit.