Apat na teams na kinabibilangan ng mga Filipino Dota 2 talents ang sasabak sa WePlay AniMajor, ang ikalawang Major tournament ng Dota Pro Circuit Season 2, na gaganapin simula June 2, 2021.

Ikalawa ang Pilipinas sa bansang may pinakamaraming pinadalang delegado sa Kyiv, Ukraine para sa nasabing bakbakan. Bukod kasi sa all-Filipino teams na  Execration at TNC Predator, bibida rin sina Carlo “Kuku” Palad at Karl “Karl” Jayme para sa South Korea-owned team na T1, pati na si Abed “ABED” Yusop ng North America-based organization na Evil Geniuses.

Execration, pasok sa Wild Card

Ipinagbunyi naman ng Filipino Dota 2 community ang muling pagkaka-qualify ng Execration sa Major tournament. Matatandaang noong The International 2017 pa kasi ang huling Valve-sanctioned event na dinaluhan ng tanyag na Filipino Dota 2 team.

Execration

Credit: Execration
  • Jinn “Palos” Lamatao
  • Yuri “Yowe” Pacaña
  • Nikko “Nikko” Bilocura
  • Don Carlo “BDz” Manalo
  • Ralph Richard “RR” Peñano

Kaso sa kanilang muling pagbabalik sa big stage, mga higante agad ng international Dota 2 scene ang sasalubong sa kanila. Pasok din kasi sa Wild Card stage ng turneyo ang Nigma at Team Secret ng Western Europe, AS Monaco Gambit ng Eastern Europe, pati na rin Vici Gaming at ONE Esports Singapore Major champions na Invictus Gaming ng China.

Isasalang ang mga Wild Card contenders sa best-of-two, single-round robin mula June 2-3. Dalawang team lamang na may pinakamataas na score ang mabibigyan ng pagkakataon na umabante sa group stage.

Samantala, sisimulan ng Execration ang kanilang kampanya mamayang 9:00 p.m., kontra Invictus Gaming.

TNC Predator balik-Major

Hindi pinalad na makasabak sa unang Major tournament ng taon ang TNC Predator matapos kapusin ang kanilang performance noong nakaraang Dota Pro Circuit season. Ngunit sa pagbabalik sa all-Filipino lineup ng koponan ngayong season, nagbabalik-Major na rin ang mga Phoenix.

TNC Predator

Credit: TNC Pro Team – Dota2
  • Kim “Gabbi” Villafuerte
  • Armel “Armel” Tabios
  • Jun “Bok” Kanehara
  • Timothy “TIMS” Randrup
  • Marvin “Boomy” Rushton

Kasama bilang Group Stage seeds ng TNC Predator ang Team Liquid ng Western Europe, Team Spirit ng Eastern Europe, Evil Geniuses ng North America, beastcoast ng South America, at PSG.LGD ng China. Ang Group Stage ng WePlay AniMajor ay gaganapin mula June 4 hanggang June 7.

Mahalaga ang magiging resulta ng TNC Predator sa WePlay AniMajor dahil dito nakasalalay ang pagkakataon nilang mapasama sa 12 teams na siguradong lalahok sa The International 10.

Sa 372.25 Dota Pro Circuit points na meron ngayon ang koponan, kailangan nila ma-secure ang at least silver finish para maselyo ang kanilang TI spot.

T1, sitting-pretty na sa playoffs

Tila nagbunga naman ang ‘chance’ na binigay ng TNC Predator sa kanilang mga tropa sa T1 matapos nito ma-secure ang top seed ng Upper Division at playoff spot para sa WePlay AniMajor.

T1

Credit: T1 DOTA
  • Nuengnara “23savage” Teeramahanon
  • Karl “Karl” Jayme
  • Carlo “Kuku” Palad
  • Kenny “Xepher” Deo
  • Matthew “Whitemon” Filemon

Bagamat nakalaro sa nakaraang Major, nauwi lamang sa 15th place finish ang T1. Itinuturong dahilan sa likod ng resultang ito ang kabiguan ni Kuku, na nagsisilbing offlaner at captain ng koponan, na makadalo sa palaro.

Ngayong kumpleto na ang mga miyembro ng koponan sa ikalawang Major, susubukang ipamalas ng T1 kung gaano nga ba sila kalakas with Master Kuku sa double-elimination bracket ng playoffs.

Kasama nilang magsisimula dito ang Alliance mula Western Europe, Virtus.pro mula Eastern Europe, Quincy Crew mula North America, NoPing e-sports mula South America, at Team Aster mula China.

Sa kaso naman ng T1 at ang tsansang makatungtong sa Stockholm, Sweden, at least top eight finish, o isang serye ng panalo sa playoffs, ang kailangan nilang makamtan. Nasa top 11 sila ngayong ng standings nang may 670 Dota Pro Circuit points.

Ang playoffs ng WePlay AniMajor ay gaganapin mula June 9 hanggang June 13.

Abed, EG babawi sa AniMajor

Credit: Abed Yusop

Marahil ay habang-buhay nang nakatatak sa alaala ng bawat Dota 2 fan ang in-all chat na “?” ni Zhou “Emo” Yi matapos nilang maka-comeback kontra Evil Geniuses noong ikatlong laro ng grand finals noong ONE Esports Singapore Major.

Evil Geniuses

  • Artour “Arteezy” Babaev
  • Abed “Abed” Yusop
  • Daryl Koh “iceiceice” Pei Xiang
  • Andreas “Cr1t-” Nielsen
  • Tal “Fly” Aizik

Hindi man na sila makababawi sa tiradang ito ni Emo, posible namang sa Kyiv, Ukraine na nila makamtan ang mailap na Major championship title. Matatandaang sa GESC: Indonesia Dota2 Minor noong 2018 pa kasi ang huling beses na hinirang ang EG na kampeon sa isang Valve-sanctioned tournament.

Samantala, wala namang aalalahaning placing ang EG sa turneyong para sa TI 10 dahil sila ang unang koponan sa Dota Pro Circuit na nakaselyo ng pwesto. Nangunguna sila ngayon sa rankings nang may 1250 Dota Pro Circuit points.


Mapapanod ang official Filipino broadcast ng WePlay AniMajor sa KuyaNic Facebook at YouTube pages.